Bumaba ang billing rates na babayaran para sa May 2023 billing. Ang residential rate ay Php14.5206 per kWh na lamang kumpara sa Php15.1925 per kWh noong nakaraang April 2023 billing. Ang commercial low voltage rate ay Php13.5671 per kWh at ang commercial high voltage rate naman ay Php12.0879 per kWh. Nagkaroon ng pagbaba na Php0.6719 per kWh.
Ang pagbabang ito ay bunsod ng pagbaba ng Blended Generation System Charge ng Php0.2154 per kWh dahil sa mas mababang Fuel Cost (Coal Price) na binayaran sa ating Power Supplier na Therma Luzon, Inc. (TLI) para sa supply month ng April 2023. Bumaba ito ng Php0.2946 per kWh mula Php7.2622 per kWh pababa hanggang Php6.9676 per kWh.
Samantala, tumaas naman ang average rate sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ng Php0.9422 per kWh dahil sa mas mababang average na suplay ng kuryente na bumaba ng 12% o 476 MW ng kuryente kumpara noong March 2023 dahil sa panahon ng tag-init.
Ang Generation Charge ay nagbabago buwan buwan dahil apektado ito ng WESM prices, power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.
Bumaba naman ang Transmission System Charge ng Php0.3476 per kWh dahil sa mas mababang Power Delivery Service Charge pati na rin ang Ancillary Service Charge ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Bumaba rin ang System Loss Charge ng Php0.0652 per kWh; ang Lifeline Rate Subsidy at ang Senior Citizen Subsidy na may kabuuang Php0.0177 per kWh; at ang Value Added Tax (VAT) Charges ng Php0.0693 per kWh.
Suspendido pa rin pansamantala ang pagkolekta ng Feed-In-Tariff (FIT-All Charge) na Php0.0364 per kWh dahil sa ERC Resolution No. 12, Series of 2022 na nagsimula noong December 2022 billing hanggang February 2023 billing at ipinagpapatuloy mula March 2023 billing hanggang August 2023 billing base sa pinakabagong ERC Notice of Resolution noong February 22, 2023.
Sa kabilang banda, tumaas naman ang Universal Charge – Missionary Electrification (UC-ME) ng Php0.0433 per kWh dahil sa ERC Notice of Resolution noong March 22, 2023 na sumasaklaw sa 2013 at 2014 True-Up Adjustments na magsisimula ngayong May 2023 billing at magtatapos sa April 2024 billing.
Sa pagbaba ng billing rate na babayaran sa June 2023 para sa mga konsumo sa kuryente ng May 2023, mababawasan ng Php67.19 ang kabuuang bayarin ng isang tipikal na sambahayan na nagkokonsumo ng 100kWh; ng Php134.38 sa nagkokonsumo ng 200kWh; at ng Php201.57 sa nagkokonsumo ng 300kWh.
Sa May 2023 billing rate, ang bayarin sa Generation System Charge ay Php8.9748per kWh; sa Transmission System Charge ay Php0.6286 per kWh; sa System Loss Charge ay Php1.0982per kWh; sa Government Charges ay Php1.7602 per kWh; sa Subsidies & Other Charges ay Php0.4480per kWh; at sa DSM Charges ay Php1.6109 per kWh. Tanging ang Distribution/Supply/Metering (DSM) Charges lamang ang napupunta sa CANORECO upang magamit sa pang-araw-araw na operasyon. Ang halagang ito ay hindi nagbago mula pa taong 2010.
Ang buwan-buwang billing rates, mapababa man o mapataas, lahat ng iyan ay dumadaan sa Energy Regulatory Commission (ERC) bago ipatupad ng electric cooperatives. Ito ang regulator ng electric power industry ng bansa.
Dahil ang mga electric cooperative ay mga collecting agent din ng National Government, ang ilan sa mga components ng billing ay pass-on charges lamang at ibinabayad ng CANORECO buwan-buwan sa TLI at sa WESM, sa transmission utility na NGCP, at inire-remit sa government corporations/agencies gaya ng National Transmission Corporation (TRANSCO), National Power Corporation (NAPOCOR/NPC), Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph