Naglabas ang Energy Regulatory Commission (ERC) ng ERC Case No. 2024-017 MC noong June 13, 2024 na nag-uutos sa lahat ng Distribution Utilities (DU) sa loob ng Luzon at Visayas Grid na ipagpaliban ang pagsingil sa mga konsumidores ng Generation Charge batay sa Preliminary Statement (PS) at hintayin ang Final Statement (FS) na ilalabas ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) sa lahat ng Market Participants. Titiyakin nito na ang sisingilin ng mga DU sa kanilang mga konsumidores ay magpapakita ng tumpak na halaga na tumutugma sa mga pagbili ng suplay ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Ito ay bunsod ng pagsuspinde ng ERC sa market operations para sa Luzon at Visayas Grid sa iba’t ibang petsa noong May 2024 sa gitna ng serye ng Red at Yellow Alerts. Sa mga agwat kung kailan nasuspinde ang market, ang Administered Price (AP) at, sa ilang partikular na pagkakataon, ang Secondary Price Cap (SPC) ay inilapat. Pinag-simulate ng ERC ang epekto ng AP at SPC application at nakitang ang PS ay napapailalim pa rin sa pinal na pagsasaayos. Ayon sa ERC, ang FS ay maaaring magresulta sa mas mababang WESM charges kumpara sa nakasaad sa PS.
Nagresulta ang kautusang ito ng ERC sa pagbaba ng Generation System Charge ng CANORECO ng Php 0.7269 per kWh at sa pag-stagger o paghati sa pagkolekta ng WESM charges para sa supply month ng May 2024 sa apat (4) na pantay na monthly installment mula June 2024 hanggang September 2024 billing month. Subalit maaari itong tumaas sa mga susunod na billing month (July 2024 hanggang September 2024) dahil sa pagkolekta ng mga ipinagpaliban na WESM Charges.
Para sa iba pang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph

