CANORECO Balita

CANORECO 49th Turn Over Anniversary Fun Walk, Clean-up Drive, at Zumba

Matagumpay na naisagawa ang pinakahuling aktibidad ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) noong ika-31 ng Mayo 2025 bilang bahagi ng pagdiriwang nito ng ika-49 na Turn Over Anniversary.

Nasa 105 na empleyado at Member-Consumer-Owners (MCOs) ang nakiisa sa aktibidad na ito na sinimulan sa isang Fun Walk mula Barangay Bagasbas sa bayan ng Daet bandang 6:00 ng umaga. Ang halos tatlong kilometrong lakad ay nagtapos sa Barangay San Jose sa bayan ng Talisay.

Pagkarating sa Barangay San Jose ay nagsagawa naman ng Clean-up Drive sa dalampasigan. Gamit ang mga pala, kalaykay, at trash bags ay pinulot at inipon ng mga empleyado at MCOs ang mga basura na nasa paligid tulad ng plastic bags, plastic cups, upos ng sigarilyo, karton, bunot ng niyog, at iba. Ibinaon ang mga nabubulok na basura habang dinala naman ang iba para sa tamang pagproseso ng mga ito.

Nagkaroon ng maiklling programa pagkatapos ng Clean-up Drive kung saan nagbigay ng mensahe sina Institutional Services Department Manager Mary Ann A. Moreno, gayundin sina CANORECO Board of Directors President Engr. Fernando N. Cruz at CANORECO General Manager Zandro R. Gestiada.

Pagkatapos nito ay nagkaroon ng Zumba para sa mga kalahok sa direksyon ng dalawang instructors ng sayaw. Nagtapos ang aktibidad sa isang almusal para sa lahat ng mga nakiisa.

Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng ika-49 na Turn Over Anniversary ng CANORECO, ayon sa panayam kay GM Gestiada, ang taon-taong aktibidad na ito ng kooperatiba ay pagpapakita na kaisa nito ng komunidad, hindi lamang sa aspeto ng kuryente, kundi pati na rin sa pagpapaunlad ng kabuhayan at pangangalaga sa kalikasan.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na CANORECO at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph