Tumaas ang power rates na babayaran ng mga konsumidores para sa JULY 2026 billing month. Ang residential rate ngayon sa Mainland ay Php 11.5149 per kWh kumpara sa Php 10.7633 per kWh noong nakaraang June 2026 rate. Ang low voltage rate ay Php 10.5613 per kWh habang ang higher voltage rate naman ay Php 8.6568 per kWh. Ang pagtaas na ito ng Php 0.7516 per kWh ay dahil sa mga sumusunod:
- Pagtaas ng Generation Charges ng Php 0.7005 per kWh, mula Php 5.1469 per kWh patungong Php 5.8474 per kWh, dahil sa pagtaas ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) charges at fuel cost ng Therma Luzon, Inc. (TLI) para sa supply month ng June 2026. Ang pagtaas ng WESM charges ay dulot ng mataas na demand sa kuryente sa gitna ng manipis na suplay nito sa Luzon Grid. Ang pagtaas naman ng fuel cost ng TLI ay dahil sa mataas na presyo ng imported coal na dulot ng mga pagbabago sa foreign exchange rates at presyo ng krudo dahil sa tensyong nararanasan sa Middle East.
- Pagtaas ng System Loss Charge ng Php 0.0920 per kWh, mula Php 0.8431 per kWh patungong Php 0.9351 per kWh, at Value Added Tax (VAT) Charge ng Php 0.0314 per kWh, mula Php 1.0764 per kWh patungong Php 1.1078 per kWh, dahil sa pagtaas ng Generation System Charge.
Sa kabilang banda, patuloy naman ang pagkolekta ng mga sumusunod:
- Universal Charge – Missionary Electrification (UC-ME) rate na Php 0.2763 per kWh na nagsimula noong buwan ng Feburary 2026, alinsunod sa ERC Order para sa ERC Case No. 2025-060 RC noong January 30, 2026,
- Universal Charge – Environmental Charge (UC-EC) rate na Php 0.0025 per kWh alinsunod sa advisory ng ERC noong 7 November 2025,
- Feed-In-Tariff Allowance (FIT-All) Charge na Php 0.2011 per kWh alinsunod sa desisyon ng ERC para sa ERC Case No. 2025-150 RC noong 26 December 2025,
- Uniform National Lifeline Subsidy rate na Php 0.0100 per kWh na nagsimula noong buwan ng February 2026, alinsunod sa ERC Resolution No. 2, Series of 2026 na ipinasa noong 29 January 2026.
Bumaba naman ang Transmission Charge ng Php 0.0723 per kWh, mula Php 1.1262 patungong Php 1.0539 per kWh dahil sa pagbaba ng Ancillary Services Charge (Ancillary Services from the Reserve Market) at Power Delivery Service Charge ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa supply month ng June 2026. Nakadagdag rin sa pagbabang ito ang naiwasang transmission costs na nagiging savings dahil sa patuloy na suplay ng kuryente mula sa renewable energy-embedded generation facilities na nasa franchise area ng CANORECO.
Samantala, na-extend ang pag-suspend sa pagkolekta ng Green Energy Auction Allowance (GEA-All) Charge na Php 0.0371 per kWh na nagsimula noong May 2026 at ngayo’y hanggang August 2026 billing month na, alinsunod sa direktiba ng ERC.
Sa pagtaas ng power rate na babayaran sa AUGUST 2026 para sa mga konsumo sa kuryente nitong JULY 2026, madadagdagan ng Php 75.16 ang kabuuang bayarin ng isang tipikal na sambahayan na nagkokonsumo ng 100kWh; Php 150.32 sa nagkokonsumo ng 200kWh; at Php 225.48 sa nagkokonsumo ng 300kWh.
Sa July 2026 residential power rate, ang bayarin sa Generation Charges ay Php 5.8474 per kWh; sa Transmission Charge ay Php 0.4052 per kWh; sa Ancillary Services Charge ay Php 0.6487 per kWh; sa System Loss Charge ay Php 0.9351 per kWh; sa Government Charges ay Php 1.6305 per kWh; sa Subsidies & Other Charges ay Php 0.4371 per kWh; at sa DSM Charges ay Php 1.6109 per kWh. Tanging ang Distribution/Supply/Metering (DSM) Charges lamang ang napupunta sa CANORECO upang magamit sa pang-araw-araw na operasyon nito.
Ang mga pass-through charge ng CANORECO (Generation, Transmission, System Loss, at Senior Citizen Subsidy) ay nakabatay sa halagang ibinayad ng kooperatiba sa mga power supplier (TLI at WESM) nito at sa grid operator (NGCP) ng bansa, gayundin sa mga ibinigay na subsidiya para sa senior citizen na mga konsumidores na kinakalkula gamit ang inireseta ng ERC na Uniform Reportorial Requirement (URR) spreadsheet template.
Ang lahat ng rate component sa electric bill na kinokolekta ng kooperatiba ay dumadaan sa regulasyon at sumasailalim sa buwanang pagsusuri ng ERC. Karapat-dapat tandaan na ang kooperatiba ay hindi pinapayagang baguhin ang mga rate na kinokolekta sa mga konsumidores nang walang paunang awtoridad ng ERC na may hurisdiksyon sa mga distribution utility (private utility at electric cooperative).


