CANORECO Balita

CANORECO Balita | Lifeline Rate Discount, Mas Pinadali Simula Ngayong 2026

DAET, Camarines Norte — Makikinabang ang libo-libong Member-Consumer-Owners (MCOs) sa lalawigan ng Camarines Norte sa pagpapatupad ng Joint Resolution No. 1, Series of 2026 ng Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission (ERC), at Department of Social Welfare and Development (DSWD), bilang supplementary at amendatory issuance sa Implementing Rules and Regulations ng Expanded Lifeline Rate Law o Republic Act No. 11552.
Layunin ng naturang resolusyon na palakasin at palawakin ang implementasyon ng Lifeline Rate Subsidy Program (LRSP) upang mas maraming mahihirap na pamilya, lalo na ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang makinabang sa diskwento sa kuryente.
Sa ilalim ng bagong patakaran, ipinatutupad ang awtomatikong pagtatala o automatic registration ng mga kwalipikadong 4Ps beneficiaries na nasa Lifeline Rate Program. Ibig sabihin, ang mga 4Ps household na nasa latest na sertipikadong listahan ng DSWD na ibinigay sa mga Kooperatiba noong July 2025 at may eksaktong data sa record ng kanilang electric distribution utility ay hindi na kailangang magsumite ng hiwalay na aplikasyon upang makakuha ng diskwento sa kanilang buwanang bayarin sa kuryente.
Para sa mga nasasakupan ng CANORECO, nangangahulugan ito ng mas mabilis at mas madaling proseso para sa mga kwalipikadong pamilya na makatanggap ng tulong sa kanilang konsumo sa kuryente.
Gayunpaman, bukas pa rin ang aplikasyon para sa mga hindi benepisyaryo ng 4Ps ngunit naniniwalang sila ay kwalipikado sa naturang diskwento. Kailangan lamang nilang patunayan na ang kabuuang kita ng kanilang pamilya ay mas mababa sa poverty threshold na itinakda ng Philippine Statistics Authority (PSA), at kumuha ng sertipikasyon mula sa kanilang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Kabilang sa mga kinakailangang dokumento ang accomplished application form mula sa CANORECO Area Office, kopya ng valid ID, at pinakahuling opisyal na resibo ng binayarang bill sa kuryente. Maaari ring makapag-apply ang mga benepisyaryo kahit hindi nakapangalan sa kanila ang kuntador, basta’t makapagbigay ng patunay tulad ng barangay certification kung sila ay nakatira sa parehong bahay o kontrata ng pag-upa kung sila ay nangungupahan.
Samantala, naglabas din ang ERC ng Resolution No. 2, Series of 2026, na nagtatakda ng Uniform National Lifeline Structure para sa buong bansa. Ayon dito, ipatutupad ang Uniform National Consumption Threshold na 0 hanggang 50 kilowatt-hours (kWh) kada buwan, kung saan ang mga kwalipikadong benepisyaryo na pasok sa nasabing konsumo ay maaaring makatanggap ng hanggang 100 porsiyentong diskwento sa kaukulang singil sa kuryente.
Bahagi rin ng patakaran ang pagpapatupad ng Uniform National Lifeline Subsidy Rate na Php 0.01 bawat kWh, na sisingilin sa mga hindi kabilang sa lifeline beneficiaries upang pondohan ang diskwento ng mga kwalipikadong consumer.
Simula sa February 2026 billing month, magsisimula nang kolektahin ang naturang subsidy rate mula sa mga non-qualified end-users. Samantala, sa March 2026 billing month naman inaasahang magsisimula ang aktuwal na paglalapat ng Lifeline Discount sa mga kwalipikadong benepisyaryo, kung saan mararamdaman na nila ang bawas sa kanilang buwanang bayarin sa kuryente.
Sa kabuuan, inaasahang ang bagong patakarang ito ay magpapalawak ng saklaw ng tulong sa kuryente at magbibigay ng mas episyenteng sistema upang matiyak na ang mga benepisyo ng Lifeline Rate ay makarating sa mga pamilyang higit na nangangailangan nito.
Sa mga may katanungan ukol sa Lifeline Rate Discount, lalo na sa mga nasa listahan ng beneficiaries ng DSWD ngunit hindi nakatanggap ng diskwento, ay maaaring magtungo sa Main Office o sa Area Office na nakakasakop sa kanila upang ma-verify ang kanilang pagkaka-rehistro.