MGA AHENSYANG NAKAKASAKLAW SA CANORECO

Ang bawat Electric Cooperative sa buong Pilipinas ay nasasakupan ng batas at kapangyarihan ng Department of Energy (DOE) na may kontrol sa mga programa at gawain ng gobyerno kaugnay ng energy industry. Dahil dito, ang lahat ng gawain ng mga Electric Cooperatives katulad ng CANORECO ay kailangan na sumusunod sa lahat ng batas at patakaran ng DOE.

Sa ilalim naman ng DOE ay binuo ang Energy Regulatory Commission (ERC) upang irregulate ang ipinapataw na presyo ng kuryente, magkaroon ng patas na kompetisyon sa merkado, at mapangalagaan ang interes o kapakanan ng mga konsumidores.

Sa aspetong administratibo, itinalaga ang National Electrification Administration (NEA) na ahensya ng DOE upang ipatupad ang mga programa para sa rural electrification at palakasin ang technical capability at financial viability ng mga electric cooperatives.

Ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay pribadong korporasyon na nagdadala ng kuryente galing sa supplier papunta sa distributor na katulad ng CANORECO. Ang Pilipinas ay nahahati sa tatlong Electrical grids sa Luzon, Visaya at Mindanao. Ang NGCP ang nangangalaga ng transmission assets at sinisiguro na ang mga ito ay nasa ligtas, maayos, at maaasahang kondisyon. Sila rin ang nagsasagawa ng kanilang regular na inspeksyon, repair ng linya ng kanilang mga sub-stations, paglilinis ng right of way, at agarang pagsasaayos ng mga linya na nasira ng sakuna, kalamidad o anumang kadahilanan.

Ang Electric Cooperative katulad ng CANORECO ay ang sektor na naghahatid o nagdidistribute ng kuryente na idinadaloy o dala-dala ng National Grid Corporation Philippines o NGCP galing sa mga power supplier. Ang pagbili ng kuryente galing sa generating plant ng kuryente o power plant ay karaniwang isinasagawa sa pamamagitan ng pakikipagkontrata sa mga power supplier.