Ang bawat Electric Cooperative sa buong Pilipinas ay nasasakupan ng batas at kapangyarihan ng Department of Energy (DOE) na may kontrol sa mga programa at gawain ng gobyerno kaugnay ng energy industry. Dahil dito, ang lahat ng gawain ng mga Electric Cooperatives katulad ng CANORECO ay kailangan na sumusunod sa lahat ng batas at patakaran ng DOE.
Sa ilalim naman ng DOE ay binuo ang Energy Regulatory Commission (ERC) upang irregulate ang ipinapataw na presyo ng kuryente, magkaroon ng patas na kompetisyon sa merkado, at mapangalagaan ang interes o kapakanan ng mga konsumidores.
Sa aspetong administratibo, itinalaga ang National Electrification Administration (NEA) na ahensya ng DOE upang ipatupad ang mga programa para sa rural electrification at palakasin ang technical capability at financial viability ng mga electric cooperatives.
Ang Electric Cooperative katulad ng CANORECO ay ang sektor na naghahatid o nagdidistribute ng kuryente na idinadaloy o dala-dala ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) galing sa mga power supplier. Ang pagbili ng kuryente galing sa generating plant ng kuryente o power plant ay karaniwang isinasagawa sa pamamagitan ng pakikipagkontrata sa mga power supplier.
Ang NGCP ay pribadong korporasyon na nagdadala ng kuryente galing sa supplier papunta sa distributor na katulad ng CANORECO. Ang Pilipinas ay nahahati sa tatlong Electrical grids sa Luzon, Visaya at Mindanao. Ang NGCP ang nangangalaga ng transmission assets at sinisiguro na ang mga ito ay nasa ligtas, maayos, at maaasahang kondisyon. Sila rin ang nagsasagawa ng kanilang regular na inspeksyon, repair ng linya ng kanilang mga sub-stations, paglilinis ng right of way, at agarang pagsasaayos ng mga linya na nasira ng sakuna, kalamidad o anumang kadahilanan.
Ang pagpapataw ng presyo ng kuryente na sinusunod ng mga Electric Cooperative ay base sa inaprubahan ng ERC. Dahil dito, ang lahat ng makikitang charges sa bill ng kuryente ay sumailalim sa approval ng ERC at walang biglaang pagbabago ng presyo na maaring maidagdag nang hindi dumadaan sa pag-apruba ng ERC.
Ang aprubadong mga charges na makikitang bumubuo sa bill ng kuryente ay ang mga sumusunod:
1. Gen Chrg ( GENERATION CHARGE ):
Para sa halaga ng kuryente na binili ng CANORECO sa Aboitiz Power Renewables Incorporated (APRI) at sa Whole Sale Electricity Spot Market (WESM). Ito ay pass on charge o ni-reremit sa power suppliers (APRI at Philippine Electricity Market Corporation o PEMC).
2. Trans Chrg (TRANSMISSION CHARGE) :
Ang halagang ibinabayad sa pagdaloy ng kuryente mula sa generating plant patungo sa transmission lines ng NGCP hanggang sa sub-stations ng CANORECO. Ang halagang ito ay napupunta sa NGCP.
3. SystemLoss Chrg (SYSTEM LOSS CHARGE):
Ang halaga ng nawawalang kuryente dahil sa technical at non-technical losses na kinokolekta ng mga distribution utilites na hindi hihigit sa systems loss cap na 12% na itinakda ng R.A. 9136. Anumang halaga na kalabisan sa nasabing system loss o marginal cap ay sasagutin ng CANORECO.
4. DistSys Chrg ( DISTRIBUTION CHARGE ):
Ang halaga ng pagtayo, pag operate at pagmantina ng mga pasilidad at linya o distribution lines ng CANORECO mula sa sub-transmission lines patungo sa residential, commercial, industrial, public buildings, at street lights consumers. Ito ang ginagamit na gastusin ng CANORECO para sa mga nabanggit na mga gawain.
5. SupSys Chrg ( SUPPLY SYSTEM CHARGE ):
Para sa mga gastusin kaugnay ng serbisyo sa mga kunsumidores tulad ng pag kuwenta sa bayarin sa kuryente, pagkolekta, customer assistance at iba pa.
6. Retail Cust Charge ( RETAIL CUSTOMER CHARGE):
Ang halaga para sa maintenance ng mga kuntador, kasama sa disenyo ng rate na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC). Ito ay napupunta sa gastusin ng metro at kung ito man ay masira ay papalitan ito ng CANORECO ng wala ng kaukulan pang bayad.
7. Metering Chrg( METERING CHARGE ):
Halagang inilalaan para sa bayarin sa pagbabasa ng kuntador at pagpapanatili ng maayos na kondisyon nito (residential and sale for resale)
8. Fit All (FIT AND TARIFF ALLOWANCE):
Halagang sinisingil ng gobyerno para sa subsidy sa mga kompanya na nag-ge-genarate ng renewable energy katulad ng hydro, geothermal, biogas, solar at iba pa. Ito ay buwanang ni-reremit ng CANORECO sa TRANSCO bilang inatasang mamahala ng nasabing pondo.
9. Lifeline Dis/Sub (LIFELINE DISCOUNT/SUBSIDY):
Diskwento o kabawasan sa kabuuang bayarin ng mga residential consumers na may 0-20 kilowatts na buwanang konsumo o ang tinatawag na lifeline discount at dagdag bayarin naman sa mga konsumidores na mahigit 20kwh ang buwanang konsumo at tinatawag na lifeline subsidy. Ito ay itinakda ng batas.
10. VAT Gen, VAT Trans, VAT SystemLoss, VAT Distribution, VAT Other Bill VAT CHARGE:
Halaga ng karagdagang pataw sa buwanang taripa ng kuryente ayon sa isinasaad sa Republic Act No. 9937; Revenue Memorandum Circular No. 61 s. 2005 at Implementing Guidelines No. 20 s. 2005 ng Energy Regulatory Commission (ERC). Ang CANORECO lang ang inatasang mangulekta at ito ay ni-reremit sa Bureau of Internal Revenue o BIR.
11. UC1 NPCDebt Chrg/UC2 NPCCon Chrg/UC4 Mssionry Chrg/UC5
Environ Chrg (UNIVERSAL CHARGES):
Para sa universal aspect na binubuo ng missionary electrification, environmental charges at iba pa na napupunta sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM)
12. RFSC (REINVESTMENT FUND FOR SUSTAINABLE CAPEX):
Ang pondo na napupunta sa capital expenditures na nakalaan para sa malaking gastusin na hindi sakop ng araw-araw na operasyon tulad ng pagsasaayos ng mga linya ng kuryente at pag bili ng mga aparato at equipment para sa maayos na pagpapalakad at serbisyo na naaayon sa halagang inaprubahan ng Energy Regulatory Commision (ERC).
13. Snr Citizen Dis/Subs (SENIOR CITIZEN DISCOUNT / SUBSIDY):
Halagang binabawas sa bayarin ng mga kwalipikadong Residential Consumers na senior citizens na kumukunsumo ng hindi hihigit sa 100kwh buwan-buwan at karagdagang bayarin naman doon sa mga hindi kwalipikado
14. OGA, OTRA, OSLA, OLRA, OSRRA (Over /under recovery or true-up mechanism):
Halaga na inaprubahan ng ERC na idagdag o ibawas sa bayarin ng consumer sa pamamagitan ng rate reduction / rate increase. Ang makikitang mga charges na ito sa bill ng kuryente ay pataw ng ERC dahil sa mga ipinatutupad nitong patakaran at mga batas.
Ang katotohanang base sa charges na ito ay ang Distribution system charge na Php 0.7595, Supply Charge na Php 0.6001, at Metering Charge na Php 0.4326 lamang ang napupunta sa pangunahing operasyon ng kooperatiba ng CANORECO na may kabuuhang halagang PhP 1.7922 bawat kwh na konsumo. Sa ganitong kaparaanan ay nananatiling CANORECO ang may pinakamababang presyo ng kuryente sa buong Rehiyon ng Bicol.
Ang nalilikom na halagang ito ang ginagamit ng kooperatiba upang itaguyod ang operasyon katulad ng pagbili ng mga kagamitan, pambayad sa mga tauhan o kawani, at iba pang gastusin ng kooperatiba. Sapagkat, hindi maaaring lumampas sa halagang itinakda o inaprubahan ng ERC ang halagang ipapataw sa bawat kwh na nakokunsumo ng bawat konsumidores.
Dahil ang presyo ng kuryente ay base lamang sa konsumo, at may metro na sumusukat nito. Tanging ang dumadaan sa rehistro ng metro ang binabayaran nating mga konsumidores. Ang konsumo sa daloy ng kuryente maging ito ay kasisimula pa lang gamitin o di kaya ay dati na at patuloy pang ginagamit ay pareho ang sukat o halaga kaya hindi nagbabago ang konsumo anumang punto ng oras gamitin ito. Kung sakaling tumaas o bumababa man ang inyong binabayaran maari nyong siyasatin o i kompara ang inyong naunang bill sa kuryente sa kasalukyan. Sapagkat, maaring may pagkakaiba ang inyong konsumo na dumaan sa metro o di kaya may karagdagang kautusan ang ERC na i-pataw o i-bawas ito sa ating mga bill. Sapagkat ang Electric Cooperative tulad ng naunang nabanggit ay hindi pwedeng magdagdag o mabawas ng charge sa konsumo ng kuryente, maliban nalang kung ito ay utos ng ERC.
Normal lamang na kapag walang konsumo na dumaan sa metro ay walang charges na ipapataw sa bill na babayaran nating mga konsumidores.
Ang kuryenteng dini-distribute ng CANORECO ay nanggagaling sa kontrata nito sa power supplier na aprubado ng ERC kung saan ay nakatakda ang dami at halaga ng kuryente. Ang ibig sabihin, ang pagbaba ng konsumo ng kuryente base sa kinontratang supply ay nangangahulugan na kailangan pa ring bayaran ang hindi nagamit base sa kontrata nito. Dahil dito, hindi nanaiisin ng kooperatiba na bumaba ang konsumo ng kuryente lalong-lalo na at ito ang pinagkukuhanan ng pondo para sa operasyon nito. Kung sakali namang kulang ang nakontratang supply ng kuryente galing sa power supplier upang matugunan ang demand sa kuryente, mabibili ang kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market O WESM kung saan ay napaka-volatile ng presyo o napakadaling magbago. Ang presyong ito ay maaaring biglaang tumaas o sumadsad anumang minuto o oras.
Sa ganitong sitwasyon, ang pagtigil ng konsumo ng kuryente sa mga oras ng power interruption ay magkakaroon ng hindi magandang epekto sa nabiling konsumo ng kuryente sa WESM dahil kapag sumobra ang nabiling kuryente pero hindi nagamit ay kailangan pa rin bayaran ng kooperatiba at maaaring ibenta sa merkado ngunit walang kasiguraduhan kung ito ay maibebenta sa mas mataas na presyo. Sakaling mababa ang bentahan nito sa merkado ay mangangahulugang ito ay magiging kalugihan sapagkat ito ay nabili sa mataas na halaga ngunit naibenta lamang sa mababang presyo.
Saan mang anggulo tingnan, hindi ninanais ng isang kooperatiba na matigil ang pagbenta ng kuryente sapagkat ang bukod tanging nais nito ay mapagsilbihan ng maayos ang mga konsumidores dahil ang pagbenta ng kuryente ang kanilang lifeblood. Sa kasalukuyan, nagkaroon na ng assessment ang NEA at nagbigay rin ng tulong na rekomendasyon sa pagsasaayos ng ating linya ng kuryente. Ito at ang mga inisyatibong isinasagawa ng ating kooperatiba ang syang ipinatutupad.
Base sa record, ito ang mga naitalang aktibidades sa pagpapaganda ng serbisyo at pagpapaayos ng linya ng ating kuryente sa loob lamang ng nakaraang isang taon. Kabilang dito ay ang:
- Pagdagdag ng empleyadong nakatalaga sa pagtugon sa mga report ng konsumidores;
- Pagdagdag ng naka-duty na linemen o shifter upang agarang makaresponde sa mga reported complaints;
- Masigasig na pagpuputol ng mga nakadikit na puno sa linya ng kuryente;
- Pagpapalit ng mga sirang poste o iba pang nasisirang kagamitan sa kuryente;
- Pagpapalit ng mga luma o nasisirang gamit sa substation;
- Paglalagay ng mga bagong kagamitan na makakatulong upang mabawasan ang malawakang epekto ng power interruptions;
- Pagbibigay impormasyon sa katayuan o kadahilanan ng pagkawala ng kuryente at marami pang iba;
Ang sanhi ng power interruptions ay maaaring itinakda o di kaya ay hindi inaasahan. Ang linya ng kuryente sa Pilipinas partikular sa probinsya ng Camarines Norte ay exposed sa mga elemento na nagiging sanhi ng pagkasira ng mga linya ng kuryente o naging dahilan ng hindi maayos na daloy nito papunta sa kabahayan. Kung kaya, ito ay nangangailangan ng regular na pangangalaga katulad ng pagpapalit ng mga nabubulok na poste, pagpapanatiling malinis ang daan na binabaybay ng linya ng kuryente, pagpapalit ng mga linya o wires upang maiangkop sa kapasidad ng tumataas na konsumo ng kuryente, o di kaya ay magpalit ng mas mataas na kapasidad ng power transformer.
Ang lahat ng ito ay may kaakibat na gastusin at nangangailangan ng pagpatay ng kuryente upang maisagawa ang mga aktibidades na ito. Kung walang kailangan ayusin, hindi magpapatay ng kuryente. Kung ayaw natin makaranas ng patuloy na epekto ng mga nalumang gamit at hindi tayo magsasagawa ng pagsasaayos ng linya ng kuryente, lalong hahaba ang epekto ng nasirang mga linya o kawalan ng kuryente. Kaya ang pagsasagawa ng mga maintenance at improvement works na ito ay dahil sa pagpupursige ng kooperatiba na maisaayos ang kanilang serbisyo at hindi ang malugi o maging sagabal sa kapakanan ng mga konsumidores.
Ang mga empleyado ng kooperatiba ay katulong ng konsumidores sa pagtataguyod ng magandang layunin na mapagbuti ang daloy at suplay ng kuryente. Katulad ng ibang mamamayan, nagsasakripisyo din sila sa kawalan ng kuryente at mabigat sa kanilang kalooban na itigil ang pagsuplay ng kuryente pansamantala kahit na nga ba ito ay may tamang basehan. Ang bawat isa sa atin ay may mga anak at pamilya na lahat ay apektado at hindi ang pinipiling ilan lamang ang naaapektuhan. Nakataya rin ang kanilang mga buhay sa tuwing isinasagawa nila ang kanilang trabaho lalo na ang mga linemen na umaakyat sa poste na may kaakibat na panganib. Sa ganitong sitwasyon, ang inis na nararamdaman ng iba ay ganoon din sa bawat empleyado ng kooperatiba.
Kung tutuusin nga ay higit pa ang nararamdamang pagkadismaya ng mga empleyado dahil sa nawawalan ang kanilang opisina ng kita at oportunidad na mapaangat pa ang serbisyo ng kooperatiba. Katulad ninuman, hindi rin nila gusto ang mawalan ng kuryente. Sapagkat ang pangunahing pinagkukunan ng isinusweldo sa kanila ay benta mula sa kuryente na kinukonsumo ng mga konsumidores.
Katulad nating lahat, ayaw natin na manatiling sira ang linya ng kuryente kaya ninanais natin na ito ay mapalitan ng bagong gamit upang hindi na maranasan ang power interruption. Kung sa mahabang panahon ay hindi natin naranasan ang ganito, ito marahil ang oras o ang pagkakataong lumabas ang pangangailangan para sa pagsasaayos at maintenance ng linya at iba pang facilities ng kooperatiba na maaaring hindi naisagawa noon o di kaya ay dulot ng kakapusan sa pondo o dahil sa mga pagbabago sa panahon o pagtaas ng demand sa kuryente. Gayunpaman, ang lahat ng bagay ay patuloy na ginagawan ng aksyon kahit may mga pagkakataong hirap at kapos sa pondo subalit patuloy na pinagsusumikapan matugunan at hindi pinababayaan lalo ngayong hinihingi ng pagkakataon ang pagsasaayos na ito. Dahil kung hindi magsasagawa ng pagsasaayos ay hindi maiibsan ang mga suliranin. Ibig ng pamunuan ng CANORECO na maging maayos ang kanilang serbisyo sa kanilang mga konsumidores. Kung kaya’t minsan ay nakakaranas tayo ng power interruption dahil nagsasagawa ng mga preventive maintenance maging sa sub-stations at sa kanilang mga distribution lines na kung saan may kailangang palitan o ayusin para maging maayos ang daloy ng kuryente patungo sa kabahayan na nasasakupan nito. Kung minsan naman ay nakakaranas din tayo ng power interruption na hindi kagagawan ng CANORECO dahil may National Grid Corporation of the Philippines na nasasagawa rin ng kanilang preventive maintenance sa kanilang mga pasilidad. Dahil sa ganitong uri ng operasyon ng NGCP, kasama dito ang pag-schedule nila ng sariling power interruption upang mapanatiling maayos ang kanilang mga assets at equipments para sa maayos na transmission ng kuryente patungo sa pasilidad ng CANORECO. Dahil buong Pilipinas ang lawak ng nasasakupan ng NGCP sa kanilang operasyon, nakaplano ang kanilang pagsasaayos lalo na at nanggagaling pa sa Manila ang mga tauhan nito. Ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang bukod tanging makakakontrol sa schedule nila maliban na lamang kung may magagawa pa upang maipagpaliban ang power interruptions na kagaya nila ay hindi rin nila ginusto. Higit sa lahat ay unang konsiderasyon nila na mapalitan ang mga power transformer na kritikal na ang load at kailangan madagdagan upang maging sapat sa kinakailangang konsumo ng kuryente. Kung kaya, ang ating kooperatiba ay nakakatanggap din ng mga notisya ng kanilang schedule ng power interruption katulad nitong itinalaga nila sa petsa ng July 11, 2018.
Kung inyo pong sisiyasatin ang sulat ng NGCP makikita mismo sa sulat nila na impormasyon lamang ang ipinaabot nito sa ating kooperatiba upang tayo ay makapaghanda sa nasabing aktibidad, at ito ay ibinigay o natanggap ng CANORECO sa petsang July 3, 2018 o walong araw bago ang scheduled power interruption. Kasabay nito, ang CANORECO ay magsasagawa na rin ng kanilang preventive maintenance sa kanilang distribution lines tulad ng pagpapalit ng lumang poste o lumang kagamitan, paglilinis o pagtatanggal ng mga sanga ng kahoy na sumasabit sa linya nito at iba pang mga gawain para hindi na rin sila magkakaroon na hiwalay na power interruption para lang sa nasabing gawain. Ang pamunuan at mga kawani ng CANORECO ay umiiwas sa power interruption hanggat maaari ay kaya ginagawan nila ng paraan para hindi ito muling mangyari. Sapagkat ito ang kanilang pangunahing pinagkukunan ng kanilang pang araw araw na gastusin sa operasyon at sweldo ng kanilang mga kawani samantalang kakarampot lang ang napupunta sa CANORECO sa halagang Php 1.7922 bawat KWH na pinagkakasya ng pamunuan ng CANORECO para sa maayos na serbisyo ng KOOPERATIBA. Gayunpaman, patakaran na ang mailimita ang power interruptions at kasama dito ang pagsasabay ng mga ayusin tuwing may schedule ang NGCP. Lingid sa kaalaman ng iba, lahat ng pagpupursigi upang malimita ang power interruptions ay prayoridad ng pamunuan ng CANORECO.
Lahat ng bagay ay nabibigyan ng magandang resulta or solusyon sa sama-samang pagtutulungan. Dahil sa atin ang kooperatiba, kailangan din nito ang kooperasyon ng bawat konsumidores upang ang anumang impormasyon katulad ng naputol na kawad ng kuryente, sira o nasusunog na poste o transformer, at iba pang sitwasyon na kinakailangan ng serbisyo ng ating kooperatiba ay kailangang maiparating sa ating opisina. Hinihiling din ang kooperasyon ng mga may-ari ng punong kahoy na kailangang putulin ang sanga na dumidikit sa linya ng kuryente, sapagkat ang lahat ng ito ay magiging malaking tulong sa bawat isa upang agarang maaksyunan ang pagpapanatili ng magandang serbisyo ng ating kuryente.
Sa sama-samang pagtutulungan, sa pag-unawa at aksyon, maisasaayos nating lahat ang operasyon at serbisyo ng ating sariling Kooperatiba.
Maraming Salamat Po!
CAMARINES NORTE ELECTRIC COOPERATIVE INC.
Daet, Camarines Norte

