Tumaas ang power rates na babayaran ng mga konsumidores para sa September 2024 billing. Ang residential rate ngayon ay Php 11.0173 per kWh kumpara sa Php 10.4777 per kWh noong nakaraang August 2024 rate. Ang low voltage rate ay Php 10.0673 per kWh at ang high voltage rate naman ay Php 8.2583 per kWh. Ang pagtaas na ito ng Php 0.5396 per kWh ay dahil sa mga sumusunod:
• Pagtaas ng Transmission System Charge ng Php 0.2738 per kWh dahil sa pagtaas ng Ancillary Service Charge ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa supply month ng August 2024, kasunod ng pagpapatuloy ng commercial operation ng Reserve Market noong August 5, 2024.
• Pagtaas ng Generation System Charge ng Php 0.1530 per kWh bilang resulta ng mas mataas na blended generation rate dahil sa tumaas na Fuel Cost na binayaran sa Therma Luzon, Inc. (TLI) para sa supply month ng August 2024. Dagdag pa rito ang pagkolekta sa ipinagpalibang May 2024 Wholesale Electricity Spot Market (WESM) Charges na hinati sa apat (4) na pantay na monthly installment mula noong June 2024 hanggang ngayong September 2024 billing bilang pagsunod sa direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC).
• Pagtaas ng System Loss Charge ng Php 0.0712 per kWh dahil sa pagtaas ng Generation System Charge at Transmission System Charge.
• Pagtaas ng Value Added Tax (VAT) Charges ng Php 0.0416 per kWh.
• Pagkolekta ng Feed-In-Tariff Allowance (FIT-All) Charge na Php 0.0838 per kWh alinsunod sa ERC Decision para sa ERC Case No. 2022-051 RC noong May 3, 2024 na kinokolekta ng National Transmission Corporation (TransCo).
• Patuloy ang pagkolekta ng Universal Charge – Missionary Electrification (UC-ME) rate na Php 0.1822 per kWh alinsunod sa ERC Notice of Resolution para sa ERC Case No. 2022-014 RC noong September 5, 2023 na kinokolekta ng National Power Corporation (NPC).
Sa pagtaas ng power rate na babayaran sa October 2024 para sa mga konsumo sa kuryente nang September 2024, madadagdagan ng Php 53.96 ang kabuuang bayarin ng isang tipikal na sambahayan na nagkokonsumo ng 100kWh; Php 107.92 sa nagkokonsumo ng 200kWh; at Php 161.88 sa nagkokonsumo ng 300kWh.
Sa September 2024 power rate, ang bayarin sa Generation System Charge ay Php 5.7490 per kWh; sa Transmission System Charge ay Php 0.9548 per kWh; sa System Loss Charge ay Php 0.8527 per kWh; sa Government Charges ay Php 1.4226 per kWh; sa Subsidies & Other Charges ay Php 0.4273 per kWh; at sa DSM Charges ay Php 1.6109 per kWh. Tanging ang Distribution/Supply/Metering Charges lamang ang napupunta sa CANORECO upang magamit sa pang-araw-araw na operasyon nito.
Ang mga pass-through charge ng CANORECO (Generation, Transmission, System Loss, Lifeline Rate Subsidy at Senior Citizen Subsidy) ay nakabatay sa halagang ibinayad sa mga power supplier nito (TLI at WESM) at sa grid operator (NGCP), gayundin sa mga ibinigay na subsidiya sa mga lifeline rate at senior citizen na mga konsumidores na kinakalkula gamit ang inireseta ng ERC na Uniform Reportorial Requirement (URR) spreadsheet template.
Ang lahat ng rate component sa electric bill na kinokolekta ng kooperatiba ay dumadaan sa regulasyon at sumasailalim sa buwanang pagsusuri ng ERC. Karapat-dapat tandaan na ang kooperatiba ay hindi pinapayagang baguhin ang mga rate na kinokolekta sa mga konsumidores nang walang paunang awtoridad ng ERC na may hurisdiksyon sa mga distribution utility (private utility at electric cooperative).
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph.

