Sa kabila ng anunsyo ng PAGASA ng opisyal na pagsisimula ng panahon ng tag-ulan sa ating bansa noong May 18, 2022, mainit pa rin ang nararanasan nating temperatura kaya’t mataas pa rin ang pangangailangan natin sa kuryente. At dahil ilang beses nang isinailalim sa Yellow Alert at Red Alert ang Luzon Power Grid nitong mga nakaraang araw/buwan, asahan pa rin ang posibilidad ng mga Emergency Power Service Interruption sa mga probinsya ng Luzon.
Ano ang Power Grid?
Mayroong tatlong yugto sa Power Supply Chain: ang Generation, ang Transmission at ang Distribution. Ang tatlong ito ay bumubuo rin sa tinatawag na Power Grid na isang network na kasama ang mga Generating Plant, mga Transmission Line at mga Distribution Line. Mayroong tatlong Power Grid sa Pilipinas – ang Luzon Grid, ang Visayas Grid at ang Mindanao Grid.
Ano ang Generation?
Ito ang proseso ng paglilikha ng kuryente mula sa mga pangunahing mapagkukunan ng enerhiya tulad ng coal, renewable energy, natural gas, at mga oil-based source. Ang lumilikha ng kuryente ay ang mga Generation Company tulad ng Therma Luzon, Inc. o TLI na Power Supplier ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. o CANORECO.
Ano ang Transmission?
Ito naman ang proseso ng pagpapadala ng suplay ng kuryente sa mga Electric Cooperative gaya ng CANORECO mula sa mga Power Supplier gaya ng TLI sa pamamagitan ng mga Transmission Line/Tower/Substation na madalas na itinatayo sa gitna ng mga malalawak na bukid. Ito ang tungkulin ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na isang pribadong korporasyon na nag-ooperate, nagme-maintain at nagde-develop ng mga Power Grid ng ating bansa.
Ano ang Distribution?
Ito naman ang proseso ng pamamahagi ng suplay ng kuryente sa mga Member Consumer Owner mula sa mga Electric Cooperative gaya ng CANORECO sa pamamagitan ng mga Distribution Line/Transformer/Substation na makikita sa tabi ng mga kalsada at kalye. Ito ang tungkulin ng mga Electric Cooperative.
Ano ang ibig sabihin ng Red Alert, Yellow Alert at White Alert?
Ang Red Alert ay nagpapahiwatig ng hindi sapat na suplay ng kuryente sa Power Grid. Ang Yellow Alert naman ay nagpapahiwatig ng pagbaba ng suplay ng kuryente sa Power Grid. At ang huli, ang White Alert, ay nagpapahiwatig naman ng sapat na suplay ng kuryente sa Power Grid. Ang NGCP ang nagmo-monitor at nag-aabiso tungkol dito.
Ano ang sanhi ng pagbaba at hindi sapat na suplay ng kuryente?
Batay sa mga abiso ng NGCP, ang suplay ng kuryente ay apektado ng hindi planado o sapilitang power outages ng mga planta ng kuryente. Halimbawa, ang mga problemang panteknikal sa mga planta ng kuryente ay maaaring humantong sa pagkasira nila na makakaapekto sa dami ng kuryente na maipapadala nila sa Power Grid. Nangangahulugan ito ng kakulangan sa Total Megawatts na maibibigay ng Power Grid sa mga kliyente nito gaya ng CANORECO.
Ano ang Automatic Load Dropping o ALD?
Ito ang proseso ng awtomatiko at sadyang pag-aalis ng mga pre-selected load (mga Electric Cooperative at mga Distribution Utility) mula sa isang Power System (Luzon Power Grid, Visayas Power Grid, Mindanao Power Grid) bilang tugon sa isang abnormal na kondisyon upang mapanatili ang integridad ng buong System.
Biglaan ang pag-alis ng suplay ng kuryente sa isa o ilang probinsya dahil sa biglaang pagbaba at hindi pag sapat ng suplay ng kuryente sa Power Grid. Wala itong paunang abiso mula sa NGCP dahil ito ay biglaan at hindi inaasahan. Nagpapadala na lamang ang NGCP ng Official Statement sa mga naapektuhang Electric Cooperative at Distribution Utility pagkatapos.
Ngayong taon ay limang (5) ALD na ang naranasan ng ating lalawigan: April 26, 6:23PM-6:29PM; May 31, 9:10PM-9:22PM; June 10, 8:33AM-8:44AM; June 10, 11:58PM – June 11, 12:05AM; at June 18, 1:53PM-2:04PM.
Bilang konsumidor ng kuryente, paano ba tayo makakatulong sa mga ganitong sitwasyon? Makakatulong tayo sa pagpapanatili ng sapat na suplay ng kuryente sa pamamagitan ng pagtitipid sa paggamit ng kuryente.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa Official Facebook Account ng CANORECO, ang Canoreco Balita, at sa Official Website, www.canoreco.com.ph.

