Mataas na kumpiyansa ang dala ng delegasyon ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) sa kanilang pagbiyahe ngayong araw, 20 May 2025 (Martes), patungong Baguio City upang lumahok sa Third Warriors of Light Summit at 2025 Line Workers’ Rodeo. Ang nasabing aktibidad ay inorganisa ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA) at gaganapin mula May 22 hanggang 23 sa Melvin Jones Grandstand sa nasabing siyudad.
Siyam (9) na piling Line Workers, dalawang (2) Engineers, at iba pang support personnel ang bumubuo sa delegasyon ng CANORECO. Sa loob ng mga nakaraang linggo, sila ay masigasig na nagsanay at naghanda para sa teknikal at pisikal na hamon ng kompetisyon.
Layunin ng Line Workers’ Rodeo na ipakita ang kahusayan, bilis, at angkop na kaalaman ng mga lineman mula sa iba’t ibang electric cooperatives sa bansa. Kabilang sa kompetisyon ang mga sumusunod:
- Wood pole erection
- Wood pole climbing
- Conductor riding
- Wood pole dressing
- Wood pole undressing
- Knot tying
- Emergency response and first aid, at
- Rodeo King 2025
Higit pa sa kompetisyon, layunin din ng Warriors of Light Summit na bigyang-pugay ang mga lineman bilang mga modernong bayani na walang sawang nagseserbisyo para sa ligtas at tuloy-tuloy na kuryente para sa mga Member-Consumer-Owner. Isa rin itong plataporma para sa pagpapalitan ng kaalaman, teknolohiya, at karanasan sa pagitan ng mga kooperatiba sa buong bansa.
Ang partisipasyon ng CANORECO sa ganitong aktibidad ay patunay sa dedikasyon na patuloy na mai-angat ang kakayahan at moral ng mga kawani, lalo na sa larangan ng linemen services. Ang kanilang pagsisikap ay hindi lamang para sa karangalan ng kooperatiba kundi para rin sa mas mahusay na serbisyo sa lalawigan ng Camarines Norte. Ipinaaabot ng CANORECO sa mga kinatawan nito ang buong suporta at panalangin para sa ligtas na paglalakbay.
Ang mga mananalo sa mga aktibidad ay lalahok naman sa pambansang kompetisyon na gaganapin sa Caticlan sa lalawigan ng Aklan sa June 5 hanggang 6. Ang Visayan Leg ay gaganapin sa Lezo sa lalawigan ng Aklan sa May 29 hanggang 30. Samantalang ginanap naman ang Mindanao Leg ng kompetisyon noong May 15 hanggang 16 sa General Santos City sa lalawigan ng South Cotabato.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na CANORECO at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph


