Naganap noong 23 (Miyerkules) hanggang 25 (Biyernes) ng Nobyembre nitong taon (2022) ang 3-Day Emergency Preparedness and Response Training para sa labing dalawang linemen, dalawang supervisors ng CANORECO at dalawang drivers mula CWMPC.
Ang pagsasanay na ito ay natupad sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng Occupational Health and Safety Committee (OSHC) at ng Human Resource & Administration Division (HRAD) ng CANORECO sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng Camarines Norte.
Tatlong araw na namalagi at nagsanay ang mga kalahok sa Sanayang Pangkaligtasan sa Sitio Mat-e, Barangay Santo Domingo, sa bayan ng Vinzons. Dito sila tinuruan ng mga kinakailangang kaalaman at tamang pamamaraan kung paano ang pagtugon sa mga biktima ng sakuna o trahedya. Nakapailalim rito ang sistematikong pagtataya sa kalagayan ng biktima at ng kapaligiran nito, tamang pagbibigay ng Cardiopulmonary Resuscitation (CPR), paggamit ng Automated External Defibrillator (AED), at kung paano tulungan ang mga nabulunan na bata at matanda.
Tinuruan rin ang mga kalahok ng iba’t ibang pamamaraan sa paglapat ng paunang lunas sa mga biktima na nagkaroon ng pinsala sa katawan. Mas pinalawak din ang kaalaman ng ating mga linemen sa iba’t ibang pamamaraan sa paggamit ng lubid at spine board sa pagtulong at pagliligtas.
Upang mas mapatibay pa ang mga natutunan ng mga kalahok, nagsagawa ng isang emergency mock drill na ang scenario ay may lineman na nakuryente at nawalan ng malay habang nasa isang poste. Ipinakita naman ng mga kalahok ang kanilang mga natutunan at galing sa paghawak sa nasabing sitwasyon.
Nagtapos sa isang seremonya ang pagsasanay noong hapon ng ika-25 ng Nobyembre. Kinilala ang mga nanguna sa pagkakaroon ng kasanayan na ito na si Mr. Eric D. De Castro, ang Operations Head ng PDRRMO-CN, kasama na rin si SFO3 Wilfredo A. Abilay, Jr., ang Provincial Special Operations Section Chief ng BFP-CN, at si Mr. Reymond L. Rada na Safety Officer ng CANORECO.
Kinilala rin ang mga naging instructors na si Mr. Diosdado Calvo, Jr., Ms. Malyn O. Auro, Mr. Samuel A. Oliva, FO2 Xundry S. Salayon, at FO2 Jenrick Rey Raña. Nabigyan naman ng pagkilala si Mr. Raymart M. Adano bilang kalahok na may katangi-tanging galing sa ropemanship. Binigyan naman ng katunayan ang lahat ng mga nagsipagtapos ng pagsasanay.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook page na Canoreco Balita at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph


