CANORECO Balita

CANORECO, Nagpadala ng Task Force sa Bohol

Bilang bahagi ng Task Force Kapatid, ang CANORECO ay nagpadala ng isang grupo ng anim na Lineman noong December 21 2021, sa Bohol Electric Cooperative (BOHECO) II sa isla/lalawigan ng Bohol sa Visayas upang tumulong sa power restoration sa nasabing lugar na isa sa mga lalawigan na dinaanan ni Category 5 Typhoon Odette noong December 16-17, 2021.

Ngunit dahil hindi agad naging available ang mga roro na magta-transport ng mga sasakyan, kagamitan at Lineman papuntang Bohol, sa Southern Leyte Electric Cooperative (SOLECO) sa isla ng Leyte muna sila tumulong pansamantala. Sa SOLECO na sila nagdiwang ng Pasko. Ang mga electric cooperative sa isla ng Leyte ay ang Leyte Electric Cooperative (LEYECO) I, LEYECO II, LEYECO III, LEYECO IV, LEYECO V at SOLECO.

December 27, 2021 na nang makatawid ng dagat ang mga grupo ng Lineman papuntang Bohol sa tulong ng mga sasakyang-pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG). Tumulong sila sa nasabing isla/lalawigan hanggang January 4, 2022 na na-extend pa hanggang January 17, 2022. Sa BOHECO II na sila nagdiwang ng Bagong Taon.

Muling nagpadala ang CANORECO ng grupo ng tatlong Lineman sa BOHECO II noong January 18, 2022 bilang kapalitan ng apat sa anim na Lineman na ipinadala noong nakaraang buwan. Mananatili sila sa Bohol hanggang February 15, 2022. Ang apat na umuwing Lineman ay kapiling nang muli ang kanilang mga pamilya.

Bago tumulak papuntang Visayas ang dalawang grupo ay pinulong muna sila nila General Manager Zandro Gestiada, Safety Officer Engr. Reymond Rada at Occupational Health Nurse Menchie Balane tungkol sa kanilang mga gagawin, mga safety and health protocols at iba pang mga paalala.

Ang ganitong tradisyon ay isinasagawa ng mga Electric Cooperative (EC) sa buong bansa tuwing panahon ng kalamidad upang matulungan ang mga kapwa EC nito.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook page na Canoreco Balita at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph