CANORECO Balita

CANORECO Renewable Energy On-going

Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente sa mga electric cooperative sa buong bansa, isa sa mga nakikitang solusyon ng gobyerno ay ang paglipat ng bansa sa renewable energy bilang source ng electricity.

 

Sa kasalukuyan, ang major source ng electricity sa bansa ay nanggagaling sa coal-fired at oil-fueled power plants. Ang mga nasabing coal at oil ay kadalasang ini-import ng mga planta ng kuryente mula sa ibang bansa. Binibili ang mga ito sa Dollars, hindi sa Peso. Kaya naman patuloy ding naaapektuhan ng pagbagsak ng halaga ng Peso ang presyo ng mga ini-import na coal at fuel.

 

Bilang solusyon, ipinag-utos ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Energy (DOE) na bahagi ng pinagkukunan ng kuryente ng mga electric cooperative ay dapat manggaling sa renewable energy sources gaya ng solar, hydro, wind, geothermal at biomass. Kaya naman, sinimulan na ng CANORECO ang pag-istima sa mga kompanyang nag-aalok ng renewable energy sa kooperatiba.

Isa sa mga naglahad sa kooperatiba ng kanilang proyekto ay ang National Rural Electric Cooperative Association International Limited (NRECA International, Ltd.) ng Arlington, Virginia, United States of America (USA) na binuo ng pinagsamang puwersa ng National Rural Electric Cooperative Association (NRECA) at ng United States Agency for International Development (USAID) ng USA. Layon ng institusyong ito na mapabuti ang kalidad ng pamumuhay sa mga rural communities sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa maaasahan at murang kuryente.

 

Naglahad din ng kanilang proyekto ang Colasi Mini Hydro Electric Power Plant Corporation (CMHEPPC) ng P-4, Brgy. Colasi, Mercedes, Camarines Norte, Philippines. Layon ng institusyong ito na makakonekta at makapagdagdag ng suplay ng kuryente sa distribution system ng CANORECO partikular sa mga bayan ng San Lorenzo Ruiz, Basud at Mercedes.

 

Inaasahan na pagdating ng panahong renewable energy na ang gamit na enerhiya ng mga electric cooperative sa bansa ay bababa na ang presyo ng kuryenteng binabayaran ng mga konsumidores ng kuryente.

 

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook account na Canoreco Balita at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph