Sa kagustuhang mas makapagbigay-serbisyo sa mga malalayong barangay sa lalawigan ng Camarines Norte, nitong ika-16 ng Abril ay isinagawa ng CANORECO ang One-Stop-Shop Caravan sa Barangay Lalawigan at Barangay Pambuhan sa bayan ng Mercedes. Ang programang ito ay naglalayong mailapit ang iba’t ibang serbisyo ng kooperatiba sa mga residente para hindi na kinakailangang bumiyahe pa ng malayo.
Nagsagawa ng Pre-Membership Seminar ang Kooperatiba sa mga nasabing barangay kung saan nakapagbigay ng mahahalagang impormasyon, kasama na rito ang mga karapatan at responsibilidad ng mga nagnanais maging miyembro.
Nagkapagbigay rin ng pagkakataon ang mga konsumidores na mailipat sa pangalan nila ang ginagamit na kuntador at maiayos ang mga detalye ng kanilang account. Nasagot rin ang mga katanungan tungkol sa suplay ng kuryente at naibahagi ang mga plano upang mas mapabuti pa ito.
Tumanggap rin ng mga aplikasyon ng mga Senior Citizen, mga benepisyaryo ng 4Ps at mga underprivileged na MCO na pasok sa mga kwalipikasyon na makatanggap ng diskwento sa bayarin sa kuryente. Kasama ring tinanggap ang mga aplikasyon para sa Membership ID Card na maaaring magamit sa mga transaksyon sa kooperatiba.
Nakasama sa aktibidad na ito ang ilang opisyal ng mga nabanggit na barangay, pati na rin ang CANORECO Director ng District X (Mercedes) na si Director Arwin A. Segundo na nagbigay ng mensahe at paalala sa mga residente.
Higit sa pagbibigay-serbisyo, ang pagdaraos ng One-Stop-Shop Caravan sa mga malalayong barangay ay nagpapakita ng malasakit ng kooperatiba sa mga Member-Consumer-Owners. Ang positibong pagdalo at pagtanggap ng mga residente sa nasabing aktibidad ay sumasalamin sa tagumpay nito.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na
www.canoreco.com.ph