TALISAY, Camarines Norte — Nagbigay ng ulat at paalala ang pamunuan ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) sa isinagawang Monday Meeting ngayong 12 Enero 2026, na pinangunahan ng General Manager ng kooperatiba.
Sa kanyang ulat, ibinahagi ni GM Zandro R. Gestiada ang kasalukuyang kalagayan ng Franchise Renewal ng CANORECO. Ayon sa kanya, umaasa ang pamunuan na maisama na sa pagbasa ang panukalang-batas sa darating na Pebrero, at inaasahan na maging maayos ang buong proseso. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng patuloy na koordinasyon at paghahanda upang matiyak ang maayos na pagpapatuloy ng operasyon ng kooperatiba.
Nagpaalala rin si GM Gestiada sa lahat ng empleyado na mag-ingat lalo na sa mga panahong nakararanas ng masamang panahon ang buong lalawigan ng Camarines Norte. Nagbigay siya ng impormasyon ukol sa posibleng epekto ng paparating na bagyo at ipinahayag ang pag-asang hindi ito magdudulot ng malaking pinsala o abala sa mga komunidad na pinaglilingkuran ng kooperatiba.
Tinalakay rin ang annual medical examination ng mga kawani, kung saan binigyang-diin na kinakailangang makumpleto ang pagsusumite ng mga resulta bago matapos ang buwan ng Pebrero. Hinikayat ang lahat na pangalagaan ang kanilang kalusugan bilang mahalagang bahagi ng epektibong pagtupad sa tungkulin.
Samantala, ipinaalala naman ni Institutional Services Department (ISD) Manager Mary Ann A. Moreno ang pagsusumite ng mga Performance Evaluation Report para sa Hulyo hanggang Disyembre 2025, gayundin ang mga Performance Target para sa Enero hanggang Hunyo 2026. Sa hiwalay na ulat, ibinahagi naman ng Technical Services Department (TSD) Manager Engr. Redentor A. Molina ang matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad sa mga linya ng kuryente sa loob ng bayan ng Daet nitong 10 Enero 2026.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, hinimok ni GM Gestiada ang lahat ng empleyado na panatilihin ang positibong pananaw sa buhay at sa kanilang trabaho, magbahagi ng kabutihan sa kapwa, at isabuhay ang pagpapakilala sa Diyos sa araw-araw na gawain.


