Apat napu’t anim na taon na ang nakararaan mula ng tanggapin ng National Electrification Administration (NEA) noong October 23, 1975 ang pagpaparehistro ng bagong tatag na electric cooperative (EC) sa Camarines Norte – ang Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO).
Nagsimula ang programang elektripikasyon sa lalawigan noong ipinasa ang Republic Act (RA) No. 6038 noong 1969 na pinalitan ng Presidential Decree (PD) No. 269 noong 1973. Ang mga batas na ito ang bumuo sa NEA at sa mga EC sa buong Pilipinas na may mandatong pailawan ang buong bansa mula sa mga siyudad hanggang sa kasuluk-sulukang mga sitio upang maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Nagsimula ang CANORECO noon sa 5,782 Consumer. Ngayon, may 120,736 Member Consumer Owners (MCOs) na ang kooperatiba na may 131,558 consumer connections.
Sa pagdiriwang ng ika-apat napu’t anim na anibersaryo ng pagkatatag ng CANORECO, may mga aktibidad nang isinagawa at may ilan pang isasagawa ngayong buwan ng Oktubre.
Nauna nang isagawa ang Tree Planting Activity noong October 9, 2021 sa Resettlement Site sa Brgy. Matacong, San Lorenzo Ruiz kung saan nakapagtanim ng Mahogany Seedlings sa nasabing lugar katuwang ang Department of Energy and Natural Resources (DENR). Sumunod ang pagsasagawa ng Clean Up Drive noong October 16, 2021 sa tabing-dagat ng Brgy. San Jose, Talisay.
Sa October 22, 2021 magkakaroon ng isang simpleng programa sa CANORECO Talisay Main Office kung saan kikilalanin ang mga empleyado ng kooperatiba na nagserbisyo na ng dalawampung taon o higit pa at nagretiro mula sa serbisyo pagsapit ng kanilang ika-anim napung kaarawan. Paparangalan din ang mga empleyado na mapipili bilang Employee(s) of the Month.
Sa October 23, 2021 naman, nai-schedule na ang taunang pagpapamisa sa mga simbahan sa buong lalawigan tuwing magdiriwang ng anibersaryo ang kooperatiba.
Sa taunang pagdiriwang na ito, muling nagpapasalamat ang CANORECO sa mga opisyal at empleyado na siyang nagpapatakbo sa kooperatiba, at sa mga MCO na sya namang nagmamay-ari sa kooperatiba. Nawa’y maging mas maayos ang kooperatiba at ang mga kawani at MCO nito sa mga susunod pang taon ng Rural Electrification.
Para sa iba pang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook page na Canoreco Balita at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph

