Mahal na Panginoon,
Salamat po sa lahat ng bagay na patuloy ninyong ibinibigay sa amin.
Nagpapasalamat po kami dahil alam naming hindi namin kakayanin ang lahat kung wala ang gabay at ilaw ninyo. Sa panahon pong matindi ang pagsubok,hindi kayo nagkulang sa pagbibigay sa amin ng lakas at tibay ng loob.
Hindi po madali ang lahat sapagkat ang mga hamon ay patuloy na dumarating at patuloy na dumarami. Inaangat po namin lahat sa inyo, sapagkat alam naming Kayo lamang ang may kapangyarihang mailagay sa kaayusan ang lahat ng bagay. Kayo lamang po ang nakakaalam ng mga paraan at daan para sa ikabubuti ng bawat isa, kaya po sa inyo namin ibinibigay ang lahat ng tiwala at pananalig.
Hiling din namin na tulungan po ninyo ang mga lider ng bansa upang makagawa sila ng mga desisyong makakabuti para sa lahat.
Ngayon pong maraming pagsubok ang bansa, sana po ay mabigyang halaga ng bawat lider ng bansa ang tunay na dahilan kung bakit sila nailagay sa kanilang mga posisyon.
Sa bawat araw, bigyang lakas at gabay po ninyo ang bawat lider at
manggagawa ng sektor ng Rural Electrification upang maging matatag at mapagmahal sa tungkulin at aming adbokasiya.
Panginoon, lalo niyo pa po sanang gabayan ang lahat ng electric cooperatives na walang ibang hangad kundi ang magbigay ng serbisyong dekalidad para sa mga member-consumer-owners.
Patatagin at gabayan niyo po lalo ang BENECO at mga electric cooperatives sa Negros Island upang lampasan ang kahit anong hirap o pagsubok na kanilang pagdaraanan.
Patatagin po ninyo ang NORDECO na kasalukuyang nakararanas ng panggigipit mula sa mga malalaking korporasyon at maiimpluwensiyang tao sa lipunan na nagnanais kunin at sakupin ang pamamahala sa nasabing kooperatiba para sa mga makasariling layunin, pansariling kitang-pinansyal, at mga layuning hindimakabubuti sa aming mga member-consumer-owners. Bigyan mo po ngkalinawan ng pag-iisip ang mga kontra-kooperatibang grupo na ito, kasama naang mga member-consumer-owners na pilit nilang pinapaniwala sa mga maling impormasyon.
Hinihingi din namin ang inyong gabay para sa CASURECO III at lahat ng mga electric cooperatives namin sa Bicol lalo pa’t sila rin ay may kinahaharap na pagsubok. Huwag niyo po sanang hayaang makuha ng ibang korporasyon ang pagbibigay serbisyo sa aming mga MCOs sa Bicol sapagkat ang layunin nila ay taliwas sa ikabubuti ng lahat.
Sa tulong ninyo, naway makita nang lahat ang plano ninyo na maghahatid lahat sa kaayusan. Kinakailangan po namin ang malinaw na pag-intindi sa mga plano ninyo sa amin, at sana po ay parati niyo pong ipaalala sa amin na ang lahat ng pagsubok ay magdadala rin sa kaginhawaan at kaayusan.
Sa lahat ng ito Panginoon, patuloy naming itinataas sa inyo ang lahat na aming takot at pangamba. Patuloy niyo po kaming gawing instrumento ng inyong kabutihan at pagmamahal para sa iba.
Amen.

