Bumaba na naman ang billing rates na babayaran ngayong August 2020 billing. Ang residential rate ay Php8.6404 per kWh na lamang kumpara sa Php8.8626 per kWh noong nakaraang buwan ng July. Samantala, ang low voltage rate naman ay Php7.6868 per kWh na lamang habang ang high voltage rate ay 6.0354 per kWh na lamang. Nagkaroon ng pagbabang Php0.2222 per kWh.
Ang pagbabang ito ay bunsod ng pagbaba ng Generation Charge ng Php0.1817 per kWh, System Loss Charge ng Php0.0211 per kWh, GRAM/ICERA at Lifeline Subsidy ng Php0.0089 per kWh, at VAT Charges ng Php0.0203 per kWh.
Samantala, tumaas naman ng Php0.0098 per kWh ang Transmission Charge.
Bumaba ang Generation Charge dahil sa paggamit ng Operation Efficiency Discount at Security Deposit Incentive mula sa Aboitiz Power Renewables, Inc. (APRI) para sa panahon ng December 26, 2019 hanggang April 25, 2020. Isa ang APRI sa power suppliers na binibilhan ng kuryente ng CANORECO.
Ang pagtaas naman ng Transmission Charge ay dahil sa mas mataas na average transmission rate ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na siyang tagapaghatid ng kuryente mula sa mga power supplier papunta sa mga substation ng CANORECO.
Ang patuloy na pagbabang ito ay sanhi pa rin ng COVID-19 pandemic na nagtutulak sa mga ekonomiya sa buong mundo na mag-lockdown upang mapigilan ang pagkalat ng naturang virus ngunit sa kasamaang-palad ay nagdudulot naman ng matinding economic recession na, ayon sa World Bank Organization, maihahambing sa economic recession noong Second World War.
Kung kaya naman ayon kay Secretary Alfonso Cusi ng Department of Energy (DOE), “Napakahalaga ng pagtitipid para sa ating lahat sa panahong ito.”
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa Corporate Services Department (CSD) sa cellphone no. 09081865100 at landline no. 054-5713796.

