CANORECO Balita

CANORECO at Aboitiz Power – Nagbigay Tulong-Medikal

Nitong ika-14 ng Abril 2023, araw ng Biyernes, ay nagbigay tulong-medikal sa mga residente ng Barangay Iraya Sur sa bayan ng San Vicente ang mga kawani ng CANORECO kasama si Board Director Bartolome Armin T. Nieva, mga kinatawan ng Aboitiz Power sa panguguna ni Mr. Justin Lumbres, at Medical Team mula sa opisina ni Governor Ricarte R. Padilla na pinangungunahan ni Dr. Rene Zanio.
Nakabahagi rin sa aktibidad na ito ang mga kawani ng Barangay Health Unit ng Iraya Sur sa pangunguna ng kanilang Punong Barangay na si Honorable Jesus Bulawan sa pamamagitan ng pagbabalita sa mga residente na may magaganap na libreng checkup at gamot para sa kanila. Sila rin ang kumuha ng mga kinakailangang detalye ng mga nagpa-checkup tulad ng timbang, blood pressure, temperature, at mga nais isangguni na nararamdaman sa katawan.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng Corporate Social Responsibility (CSR) ng Aboitiz Power kung saan ito ay nakikipag-ugnayan sa pamunuan ng CANORECO para sa implementasyon ng mga gawaing maaaring makatulong sa mga Member-Consumer-Owners. Ang Aboitiz Power ang may-ari ng Therma Luzon, Inc. (TLI) na siyang nagsu-supply ng kuryente na dini-distribute ng CANORECO sa lalawigan ng Camarines Norte.
Noong ika-13 ng Abril 2023, araw ng Huwebes, ay dumating ang kahon-kahon na mga gamot para sa iba’t ibang karamdamang pang-sanggol hanggang sa mga matatanda sa Barangay Hall ng Barangay Iraya Sur. Pumunta naman ang ilang kawani ng CANORECO noong araw ding iyon para i-account ang mga natanggap na mga gamot at maihanda para gaganaping gawaing pang-medikal.
Kinaumagahan ng ika-14 ng Abril ay nagsidatingan na ang mga residente ng Barangay Iraya Sur na nais magpa-checkup at mabigyan ng libreng gamot para sa kanilang karamdaman. Ikinatuwa ng mga residente ang nasabing programa sapagkat malaking kabawasan ito sa kanilang gastusin. Natapos ang programa bandang hapon at ang mga natirang mga gamot naman ay in-endorse sa pamunuan ng Barangay Iraya Sur para magamit pa sa kanilang mga kabarangay.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph