Sa ating mga Senior Citizens na Member-Consumer-Owner o MCO, ang Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. ay mayroong ibinibigay na diskwento sa inyong babayarang bill sa pagkonsumo ng kuryente. Alinsunod ito sa Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 na kung saan minamandato ng batas na magbigay ng diskwento sa mga produkto o serbisyo para sa ating mga Senior Citizens.
Nakapaloob sa batas na ito na maaring mabigyan ng 5% na diskwento ang ating mga Senior Citizens kung sa kanila nakapangalan ang account at hindi lalagpas ng One Hundred kilowatt hours (100 kWh) ang kanilang konsumo. Bukod pa rito, ang diskwento ay ibinibigay sa kada tahanan kahit ilan ang Senior Citizen na nakatira rito.
Sa mga MCOs na Senior Citizen na nais magkaroon ng diskwento sa kanilang power bill, kailangan lamang po ninyong pumunta sa ating mga Area Offices at Service Centers at dalhin ang mga sumusunod na dokumento:
• Certificate of residency mula sa Barangay
• Birth Certificate, o valid Senior Citizen ID, o kahit anong government-issued ID
• Latest na power bill, at
• Isang piraso ng 2×2 na picture.
Kung mag-a-apply naman sa pamamagitan ng isang representative, kailangan ng Authorization Letter na mayroong lagda o thumb mark mula sa Senior Citizen at valid ID ng representative. Tandaan na dapat nakatira sa mismong tahanan na babayarang power bill ang ating Senior Citizen at hindi bababa sa isang taon na nakapangalan ang account sa kaniya.
Sa mga Senior Citizen Centers, Residential Care Institutions, o Group Homes, ang punong tagapamahala ang magdadala ng mga nabanggit na kailangang dokumento sa pag-apply kasama ang photocopy ng approved DSWD accreditation. Bukod pa rito, kailangan rin na hindi bababa sa anim na buwan na nasa operasyon ang inyong establisyemento at may sariling kuntador ito.
Epektibo ang pagbibigay ng diskwento hanggang ika-31 ng Disyembre kada taon. Kailangang i¬-renew ang pagkakaroon ng diskwento bago o sa mismong ika-24 ng Enero ng susunod na taon. Kailangan lang pumunta sa Area Office o Service Center ang ating Senior Citizen o ang punong tagapamahala ng mga nabanggit na uri ng establisyemento upang magpakita ng isang valid ID at pumirma sa isang dokumento.
Tandaan, kung sakaling hindi makapag-renew ng inyong application para sa diskwento sa Enero 24, magiging epektibo lamang ang inyong diskwento sa susunod na billing period ayon sa araw na kayo ay nakapag-renew.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook page na Canoreco Balita at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph


