COOP Activities

#ECBlackFridayProtest Prayer #15

Muli tayong manalangin ngayong araw ng Biyernes para sa ating mga kooperatiba, at para sa ating bayan:
Mahal na Panginoon,

Taos puso po ang aming pagpapasalamat sa lakas ng loob na ibinigay ninyo nitong mga nakaraang buwan upang malampasan namin ang lahat ng pagsubok. Sa dami po nang naganap at magaganap pa, alam po naming hindi Niyo kami pababayaan na mag-isa sa landas na gusto ninyo para sa amin. Sa panahon pong matindi ang pagsubok, hindi kayo nagkulang sa pagbibigay sa amin ng lakas, tibay ng loob, at inspirasyon upang malampasan ang lahat ng bagay.
Panginoon, sa ngayon pong maraming bagay ang sumusubok sa katatagan ng aming samahan, sana po ay bigyan niyo kami ng klarong pag-iisip upang makita namin ang rason at perspektibo ninyo sa lahat ng pinagdaraanan namin. Sana po ay magkaroon ng linaw ang lahat sa tulong ninyo.

Inaangat po namin lahat sa inyo, sapagkat alam naming Kayo lamang ang may kapangyarihang mailagay sa kaayusan ang lahat ng bagay. Kayo lamang po ang nakakaalam ng mga paraan at daan para sa ikabubuti ng bawat isa, kaya po sa inyo namin ibinibigay ang lahat ng tiwala at pananalig.

Hiling namin na tulungan po ninyo ang mga lider ng bansa upang makagawa sila ng mga desisyong makakabuti para sa lahat. Ngayon pong maraming pagsubok ang bansa, sana po ay mabigyang halaga ng bawat lider ng bansa ang tunay na dahilan kung bakit sila nailagay sa kanilang mga posisyon. Sana po ay gamitin nila ang kanilang mga kakayanan upang makatulong sa iba at sa bansa, at hindi para sa pansariling kapakanan at interes.

Gabayan din po ninyo ang bawat lider at manggagawa ng sektor ng Rural Electrification upang maging malakas, matatag, at mapagmahal sa tungkulin at aming adbokasiya. Bigyan niyo po ang bawat isa ng malusog na pangangatawan upang magampanan nila ang kanilang mga trabaho at tungkulin.

Panginoon, lalo niyo pa po sanang gabayan ang lahat ng electric cooperatives na walang ibang hangad kundi ang magbigay ng serbisyong dekalidad para sa mga member-consumer-owners. Patatagin at gabayan niyo po lalo ang BENECO at mga electric cooperatives sa Negros Island upang lampasan ang kahit anong hirap o pagsubok na kanilang pagdaraanan.

Patatagin po ninyo ang NORDECO na kasalukuyang nakararanas ng panggigipit mula sa mga malalaking korporasyon at maiimpluwensiyang tao sa lipunan na nagnanais kunin at sakupin ang pamamahala sa nasabing kooperatiba para sa mga makasariling layunin, pansariling kitang-pinansyal, at mga layuning hindi makabubuti sa aming mga member-consumer-owners. Bigyan mo po ng kalinawan ng pag-iisip ang mga kontra-kooperatibang grupo na ito, kasama na ang mga member-consumer-owners na pilit nilang pinapaniwala sa mga maling impormasyon.

Hinihingi din namin ang inyong gabay para sa CASURECO III at lahat ng mga electric cooperatives namin sa Bicol lalo pa’t sila rin ay may kinahaharap na pagsubok. Huwag niyo po sanang hayaang makuha ng ibang korporasyon ang pagbibigay serbisyo sa aming mga MCOs sa Bicol sapagkat ang layunin nila ay taliwas sa ikabubuti ng lahat.
Amin rin pong itinataas sa inyo ang mga pagsubok na kinahaharap ng ILECO I. Naway ito ay malampasan ng mga empleyado, lider, at pati na rin po ng mga MCOs.

Sana po ay haplusin ninyo ng inyong pagmamahal ang mga puso ng mga taong pansarili lamang ang tunay na hangad. Baguhin sana ninyo ang direksyon ng kanilang buhay upang makita nila ang pagmamahal ninyo sa kanila.

Lahat po ng kritisismo ay naway magbigay sa amin ng mas maayos na direksyon at magbigay samin ng lakas upang lalo pang maging matibay. Sa tulong ninyo, naway humina po ang mga pwersang hindi magreresulta sa kasaganaan at kaayusan ng mga MCOs at ng bayan.

Sa lahat ng ito Panginoon, patuloy naming itinataas sa inyo ang lahat na aming takot at pangamba. Patuloy niyo po kaming gawing instrumento ng inyong kabutihan.

Amen.

#ECBlackFridayProtest
#HandsOffOurECsNoToTakeOver
#ECIndependenceWeWillNotBeSilenced
#UnitedWeStandWeStandUnitedforBENECO
#UnitedWeStandWeStandUnitedforCASURECOIIIandAllECsinBicol
#UnitedWeStandWeStandUnitedforILECOI
#UnitedWeStandWeStandUnitedforNORDECO
#UnitedWeStandWeStandUnitedforAllECsInNegrosIsland