Kasabay ng pagdiriwang ng Linggo ng Pamilyang Pilipino, muli tayong manalangin para sa bayan, at para sa ating pamilya- ang One EC MCO Movement:
Mahal naming Panginoon,
Maraming salamat po sa biyayang ibinibigay ninyo sa bawat araw. Salamat po sa gabay, sa pagmamahal, sa pag-unawa, at sa pagbibigay sa amin ng lakas upang harapin ang bawat pagsubok.
Ngayon pong ginugunita namin ang Linggo ng Pamilyang Pilipino, dasal po naming palagi niyo po sanang bantayan at protektahan ang lahat ng miyembro ng aming pamilya. Sana po ay pangalagaan at gabayan ninyo ang bawat tahanan sa bansa upang dito magmula ang mabubuting asal, intensyon, at malasakit para sa iba. Umaasa po kaming samahan ninyo parati ang bawat tahanan sa pagbibigay ng direksyon sa bawat miyembro ng pamilya upang piliin palagi ang tama at naaayon sa gusto ninyo.
Gabayan din po sana ninyo ang itinuturing naming pamilya sa aming mga opisina. Sa panahon pong maraming pagsubok ang rural electrification movement, sana po ay manatili po ang pagkakaisa at pagtutulungan sa bawat isa sa amin.
Gabayan at tulungan po ninyo ang bawat lider at manggagawa ng sektor ng Rural Electrification upang maging malakas, matatag, at mapagmahal sa tungkulin at aming adbokasiya. Hiling din namin na tulungan po ninyo ang mga lider ng bansa upang makagawa sila ng mga desisyong makakabuti para sa lahat. Ngayon pong maraming pagsubok ang bansa, sana po ay mabigyang halaga ng bawat lider ng bansa ang tunay na dahilan kung bakit sila nailagay sa kanilang mga posisyon.
Panginoon, lalo niyo pa po sanang gabayan ang lahat ng electric cooperatives na walang ibang hangad kundi ang magbigay ng serbisyong dekalidad para sa mga member-consumer-owners. Sana po ay mawakasan na ang mga pansariling kagustuhan na hindi magdadala ng magandang dulot sa mga MCOs at sa pamilyang Pilipino.
Patatagin at gabayan niyo po lalo ang BENECO at mga electric cooperatives sa Negros Island upang lampasan ang kahit anong hirap o pagsubok na kanilang pagdaraanan.
Patatagin po ninyo ang NORDECO na kasalukuyang nakararanas ng panggigipit mula sa mga malalaking korporasyon at maiimpluwensiyang tao sa lipunan na nagnanais kunin at sakupin ang pamamahala sa nasabing kooperatiba para sa mga makasariling layunin, pansariling kitang-pinansyal, at mga layuning hindi makabubuti sa aming mga member-consumer-owners. Bigyan mo po ng kalinawan ng pag-iisip ang mga kontra-kooperatibang grupo na ito, kasama na ang mga member-consumer-owners na pilit nilang pinapaniwala sa mga maling impormasyon.
Hinihingi din namin ang inyong gabay para sa CASURECO III at lahat ng mga electric cooperatives namin sa Bicol lalo pa’t sila rin ay may kinahaharap na pagsubok. Huwag niyo po sanang hayaang makuha ng ibang korporasyon ang pagbibigay serbisyo sa aming mga MCOs sa Bicol sapagkat ang layunin nila ay taliwas sa ikabubuti ng lahat.
Amin rin pong itinataas sa inyo ang mga pagsubok na kinahaharap ng ILECO I, ILECO II, at ILECO III. Naway ito ay malampasan ng mga empleyado, lider, at pati na rin po ng mga MCOs.
Sana po ay haplusin ninyo ng inyong pagmamahal ang mga puso ng mga taong pansarili lamang ang tunay na hangad. Baguhin sana ninyo ang direksyon ng kanilang buhay upang makita nila ang pagmamahal ninyo sa kanila.
Lahat po ng kritisismo ay naway magbigay sa amin ng mas maayos na direksyon at magbigay samin ng lakas upang lalo pang maging matibay. Sa tulong ninyo, naway humina po ang mga pwersang hindi magreresulta sa kasaganaan at kaayusan ng mga MCOs at ng bayan.
Protektahan niyo po ang lahat ng electric cooperatives sa mga taong hindi maganda ang hangarin para sa iba. Inaangat namin ang lahat sa inyo at sana po ay patuloy niyo pong maipakita sa amin ang mahalagang tungkulin namin na gusto ninyo para sa amin.
Sa lahat ng ito Panginoon, patuloy naming itinataas sa inyo ang lahat na aming takot at pangamba. Patuloy niyo po kaming gawing instrumento ng inyong kabutihan.
Amen.
#ECBlackFridayProtest
#HandsOffOurECsNoToTakeOver
#ECIndependenceWeWillNotBeSilenced
#UnitedWeStandWeStandUnitedforBENECO
#UnitedWeStandWeStandUnitedforCASURECOIIIandAllECsinBicol
#UnitedWeStandWeStandUnitedforAllECsInIloilo
#UnitedWeStandWeStandUnitedforNORDECO
#UnitedWeStandWeStandUnitedforAllECsInNegrosIsland

