CANORECO Balita

JUNE 2022 BILLING RATES, TUMAAS

Tumaas ang billing rates na babayaran para sa June 2022 billing. Ang residential rate ay Php13.7240 per kWh na kumpara sa Php13.2661 per kWh lamang noong nakaraang May 2022 billing. Ang low voltage rate ay Php12.7705 per kWh at ang high voltage rate naman ay Php11.0390 per kWh. Nagkaroon ng pagtaas na Php0.4579 per kWh.
Ang pagtaas na ito ay bunsod ng pagtaas ng Blended Generation Charge na Php7.9443 per kWh na tumaas ng Php0.3840 per kWh kumpara noong nakaraang May 2022 billing na Php7.5603 per kWh. Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa gasolina (Fuel Cost) na isang pass-on charge na binayaran natin sa ating power supplier na Therma Luzon, Inc. (TLI) para sa supply month ng May 2022. Ang nasabing pass-on charge ay tumaas ng 5.41% dahil sa mas maraming paggamit ng mas mahal na coal upang makabuo ng enerhiya.
Gayundin, ang presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ay nanatiling nakataas sa Php5.6407 per kWh matapos ipataw ng dalawang beses ang Secondary Price Cap noong nakaraang supply month sanhi ng pagnipis ng mga reserbang kuryente dahil sa mas mataas na demand.
Bahagya namang tumaas ang System Loss Charge ng Php0.0463 per kWh at ang Value Added Tax (VAT) Charges ng Php0.0423 per kWh.
Samantala, bahagya namang bumaba ang Generation Rate Adjustment Mechanism (GRAM)/Incremental Currency Exchange Rate Adjustment (ICERA) ng Php0.0093 per kWh. Bumaba rin ang Transmission Charge ng Php0.0054 per kWh.
Ang Generation Charge ay nagbabago buwan buwan dahil apektado ito ng WESM prices, power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.
Ang buwan-buwang billing rates, mapababa man o mapataas, lahat ng ito ay aprubado ng Energy Regulatory Commission (ERC). Ito ang regulator ng electric power industry ng bansa.
Dahil ang mga electric cooperative ay mga collecting agent din ng National Government, ang ilan sa mga components ng billing ay pass-on charges lamang at inireremit ng CANORECO buwan-buwan sa TLI at sa WESM, sa transmission utility na NGCP, at sa government corporations/agencies gaya ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook page na Canoreco Balita at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph