Nitong madaling araw ng Lunes (09 February 2026), nakaranas ng ilang pagkawala at pagbabalik ng serbisyo ng kuryente ang bayan ng Capalonga at ilang karatig na lugar matapos mag-trip off ang Talobatib Recloser at kalaunan ay ang ABS Bagong Silang. Ang mga insidenteng ito ay kaugnay ng patuloy na masamang panahon na dulot ng shear line na nagdudulot ng malalakas at tuloy-tuloy na pag-ulan sa lalawigan ng Camarines Norte.
Bandang 12:11AM, nag-trip off ang Recloser sa Brgy. Talobatib , Labo at pansamantalang nawalan ng kuryente ang mga sakop nitong linya. Naibalik ang suplay ng 12:30AM, subalit muling nag-trip off ito ng 12:35AM kaya agad nagsagawa ng pole-to-pole inspection ang mga lineworker ng Area 2 Office mula Brgy. Talobatib hanggang Sitio Magtaganki, Brgy. Bagong Silang 1. Pagsapit ng 1:37AM, isinara ang ABS sa Sitio Magtaganki upang ma-energize ang mga kaugnay na barangay. Unti-unting naibalik ang kuryente: 3:32AM sa Brgy. Bagong Silang 1 (Labo), 3:50AM hanggang sa bayan ng Capalonga. Muli na namang nag-trip off ang Talobatib Recloser ng 4:40AM at naibalik ang suplay ng 5:33AM. Pagsapit ng 5:51AM, naapektuhan naman ng pagkawala ng kuryente ang sakop ng ABS sa Brgy. Bagong Silang 1, Labo. Naibalik ang suplay ng 6:50AM sa Capalonga maliban sa linya mula Brgy. Ubang patungo sa mga kasunod na barangay. Ganap na naibalik ang kuryente ng 8:46AM mula Brgy. Ubang hanggang Brgy. Itok, at 9:10AM mula Brgy. Itok hanggang Brgy. Calabaca, Capalonga.
Kapag nag-trip off ang Recloser sa Brgy. Talobatib, naaapektuhan ang buong bayan ng Capalonga; mga barangay ng Pangpang, Calabasa, Maot, Pag-asa, Malangcao-Basud, Daguit, Submakin, Macogon, Exciban, Dumagmang, Bagong Silang 1, 2, at 3; at mga bahagi ng Talobatib, Matanlang, at Malatap sa Labo; gayundin ang mga barangay ng Tamisan, San Pedro, San Martin, San Jose, Dahican, Dayhagan, Salvacion, Santa Cruz, at bahagi ng San Isidro sa Jose Panganiban. Samantala, kapag nag-trip off ang ABS sa Brgy. Bagong Silang 1, naaapektuhan ang bayan ng Capalonga at mga barangay ng Bagong Silang 2 at 3, at bahagi ng Bagong Silang 1 sa Labo.
Batay sa isinagawang inspeksyon, ang mga pag-trip off na ito ay hindi dulot ng sirang kagamitan kundi ng line disturbances na may kaugnayan sa kasalukuyang kondisyon ng panahon. Sa ilalim ng shear line, posible ang mga sumusunod na sanhi:
> pagdikit ng mga sanga ng puno at mga dahon sa linya dahil sa malakas na hangin at bigat ng ulan;
> pag-alog ng mga kawad na nagiging sanhi ng linya-sa-linyang contact;
> pagpasok ng tubig sa mga insulator at koneksyon na nagdudulot ng short circuit;
> mga debris na tinatangay ng hangin o agos ng tubig na sumasabit sa linya.
Ang mga ganitong sitwasyon ay awtomatikong nade-detect ng mga protective device tulad ng recloser at ABS, na kusang nagka-cutoff ng suplay upang maiwasan ang mas malaking pinsala at panganib.
Patuloy ang monitoring at clearing operation ng CANORECO sa mga nasabing linya upang matiyak ang ligtas at maayos na suplay ng kuryente. Hinihiling ng Kooperatiba ang inyong pang-unawa sa mga ganitong insidente sapagkat ang agarang pag-trip ng mga protective device ay indikasyon na gumagana ang ating sistema upang maprotektahan ang komunidad at ang mga linya ng kuryente sa gitna ng masamang panahon.

