Isang mahalagang hakbang sa aplikasyon para sa bagong koneksyon ng kuryente sa Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) ang pagdalo sa Pre-Membership Seminar (PMS). Ito ang unang hakbang upang maging miyembro ng kooperatiba. Makakakuha rito ng Pre-Membership Seminar Certificate na isa sa mga pangunahing rekisito sa aplikasyon para sa power service connection.
Mayroong dalawang paraan ng pagdalo sa PMS. Una ay ang onsite Pre-Membership Seminar na ginaganap tuwing Biyernes, alas-9:00 ng umaga, sa Ikalawang Palapag ng CANORECO Building, Area 1 Office, J.P. Rizal St., Brgy. I, Daet, Camarines Norte. Dito ay personal na tinatalakay ang mga mahahalagang impormasyon ukol sa pagiging miyembro, mga patakaran ng kooperatiba, at iba pa.
Ikalawa ay ang online Pre-Membership Seminar na maaaring gawin anumang oras at kahit saan, basta’t may sapat na network coverage (internet). Sa pamamagitan ng pagbisita sa opisyal na website ng CANORECO (www.canoreco.com.ph), iki-click ng aplikante ang “New Connection” at pagkatapos ay ang “PMS Application.” Manonood sila ng isang video presentation at sasagot sa kaukulang quiz. Kinakailangang makakuha sila ng hindi bababa sa 15 puntos upang makapasa. Kung sakaling hindi pumasa, maaari silang umulit ng pagsusulit nang kahit ilang beses, hanggang sa makamit ang kinakailangang marka.
Kung dati ay kinakailangan pang i-print at dalhin sa CANORECO Office ang natanggap na confirmation sa email bilang patunay ng pag-seminar, ngayon ay agad ng makikita sa screen ang PMS Certificate matapos maipasa ang quiz. Maaari itong i-download at i-print ng aplikante. Hindi na kinakailangang maghintay ng email.
Sa pamamagitan ng pagbabagong ito, mas mapapabilis, mas magiging episyente, at mas magiging accessible ang serbisyo ng CANORECO para sa mga nagnanais magkaroon ng kuryente at maging bahagi ng kooperatiba.


