Uncategorized

Resulta ng CANORECO Special District Election sa Directorship ng Daet North

Matagumpay na naisagawa ang Special District Election para sa Directorship ng CANORECO District II na sumasaklaw sa Hilagang Daet noong ika-13 ng Disyembre 2025 (Sabado). Ang presinto para sa pagboto ay nagbukas dakong alas-8:00 ng umaga sa Daet Integrated School (dating Daet Elementary School).

Si Director-elect Efren “Epoy” G. Belgado ay nakakuha ng anim (6) na boto bilang nag-iisang kwalipikadong kandidato para sa posisyon ng Direktor ng Distrito ng Daet North. Siya ay magsisilbing Direktor o Kinatawan ng mga Member-Consumer-Owners (MCO) ng District II – Daet North sa CANORECO hanggang sa susunod na Regular District Election na gaganapin sa taong 2028.

Ang nasabing halalan ay pinangasiwaan ng District Election Committee (DECOM) na binubuo nina Renita Abraham, Chairman (Public Schools District Supervisor); Jinky Rosete, Secretary (Teacher III); Cristina Grace Malate, 3rd Member (MCO Federation Chairman at MCO Municipal Chairman ng Daet North); at Melinda Rafer, Alternate Member (MCO Municipal Vice Chairman ng Daet North).

Lubos na nagpapasalamat ang CANORECO sa Department of Education – Division of Camarines Norte sa patuloy na suporta sa mga District Election na isinasagawa ng kooperatiba. Gayundin, pinasasalamatan ang mga MCO na aktibong tumupad sa kanilang obligasyon at ginamit ang kanilang karapatang bumoto upang pumili ng kanilang kinatawan sa CANORECO.