CANORECO Balita

𝐂𝐀𝐍𝐎𝐑𝐄𝐂𝐎, 𝐌𝐚𝐠𝐝𝐢𝐫𝐢𝐰𝐚𝐧𝐠 𝐧𝐠 𝐈𝐤𝐚-𝟒𝟖 𝐓𝐮𝐫𝐧 𝐎𝐯𝐞𝐫 𝐀𝐧𝐧𝐢𝐯𝐞𝐫𝐬𝐚𝐫𝐲

Ngayong May 15, 2024, apat napu’t walong taon na ang nakararaan mula ng magsimula ang Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) bilang isang non-stock, non-profit, non-sectarian at non-political electric service distribution utility, at isang tunay na kooperatiba sa elektrisidad na maglilingkod sa labindalawang (12) bayan ng lalawigan ng Camarines Norte.
Ito ay matapos mailipat sa CANORECO noong May 14, 1976 ang pamamahala sa Daet Electric Plant na isang pribadong kompanyang pinangangasiwaan ng Hidalgo Enterprises. Binili ng CANORECO ang prangkisa at pagmamay-ari ng nasabing kompanya sa halagang Php3,500,000.00 na ipinagkaloob ng National Electrification Administration (NEA) bilang bahagi ng paunang pautang sa bisa ng isang loan agreement.
Nagsimula ang CANORECO noon sa 5,782 Consumers o 5,894 connections. Ngayon, may 128,429 Member Consumer Owners (MCOs) na ang kooperatiba na may 141,047 consumer connections.
Sa pagdiriwang na ito, may mga aktibidad na isasagawa ang CANORECO para sa mga MCOs at sa mga empleyado ng kooperatiba.
Sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang Hiking Activity ng Occupational Safety & Health Committee (OSHC) sa Chai Falls, Brgy. Colasi, Mercedes noong May 1, 2024. Magsasagawa naman ng Volleyball Games Tournament na bahagi ng Sportsfest Activity ngayong May 2, 2024.
Susundan ito ng Tree Planting Activity sa Brgy. Manguisoc, Mercedes sa May 3, 2024 katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR). Sa parehong araw ay isasagawa ang E-Games, Darts, Scrabble at Chess na bahagi rin ng Sportsfest Activity.
Sa kaarawan ng selebrasyon sa May 15, 2024, isasagawa ang taunang pagpapamisa (Holy Mass) sa mga simbahan sa buong lalawigan. Sa pagbubukas ng mga opisina ng kooperatiba sa araw na ito, ang unang apat napu’t walong (48) konsumidores na pupunta sa CANORECO Main Office sa Talisay, Area 1 Office sa Daet, Area 2 Office sa San Francisco (Labo) at Area 3 Office sa Batobalani (Paracale) ay makakatanggap ng Canvas Tote Bag. Nasa 192 na konsumidores ng kooperatiba ang makakatanggap ng regalong ito.
Magsasagawa naman ng Adopt-A-School Activity sa Brgy. Cagbalogo, Vinzons sa May 17, 2024 ng umaga at ng Anniversary Celebration at Sportsfest Awarding sa CANORECO Main Office sa hapon. Kabilang sa pararangalan ang mga nanalo sa Basketball Games Tournament na sinimulan noong March 12, 2024 at nagtapos noong April 30, 2024.
Magtatapos ang programa sa pamamagitan ng Funwalk, Zumba at Cleanup Drive sa Bagasbas Beach, Daet sa May 25, 2024.
Sa taunang pagdiriwang na ito, muling nagpapasalamat ang CANORECO sa mga MCO na patuloy na sumusuporta sa mga layunin at adhikain ng kooperatiba. Nawa’y maging mas maayos pa ang samahan ng mga MCO, mga opisyal at mga empleyado ng kooperatiba para sa mga susunod pang taon ng Rural Electrification.
Para sa iba pang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph