CANORECO Balita Maintenance Activities

20MVA Lag-on Substation, Energized na; Kuryente para sa SM City Daet, Ready na

Matagumpay na naidaos ang energization ng 20MVA Lag-on Substation ng CANORECO noong May 30, 2020 sa pangunguna nina General Manager Zandro R. Gestiada, Technical Services Manager Engr. Alexis O. Olila, at iba pang technical personnel ng kooperatiba.

Ini-upgrade ng CANORECO ang Lag-on Substation nito sa pamamagitan ng pagdadagdag ng 20MVA sa dating load nito na 10MVA bilang paghahanda sa pagbubukas ng SM City Daet. Inaasahang makapagsusupply din ang karagdagang kuryente na ito sa mga bayan ng San Vicente, San Lorenzo, Basud, Daet South, at ilang barangay ng Daet North, Talisay at Mercedes. Ang nasabing substation ay ang pang-walong (8) power transformer na pagmamay-ari ng CANORECO.

Kaugnay nito, nagkaroon ng scheduled power service interruption ng araw na iyon mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-singko ng hapon sa lalawigan ng Camarines Norte, maliban sa Paracale at Jose Panganiban, para sa nasabing energization at para sa mga maintenance activities na isinagawa kasabay nito.

Ang mga maintenance activities na nagawa ay nakapagpalit ng walong (8) poste at isandaan labinlimang (115) suspension insulators sa 69kv sub-transmission lines sa ilang barangay sa mga bayan ng Talisay at Vinzons. Nagkaroon din ng pagpapalit ng steel crossarm at brace at pagwawasto ng guy wire sa bayan ng Talisay.

Nakapagpalit/lipat din ng sampung (10) poste sa distribution lines sa ilang barangay sa mga bayan naman ng Daet, San Lorenzo Ruiz at Basud. Nakapagpalit din ng guy wire sa Brgy. Dalas, Labo.

Nagsagawa rin ng Right of Way (ROW) clearing sa mga linya ng kuryente mula Crossing Lag-on hanggang San Vicente, Crossing Magang hanggang San Lorenzo Ruiz, at Diversion Road Magang hanggang Basud.

Bilang bahagi rin ng ROW clearing, nagputol ng labing-isang (11) puno ng niyog sa Brgy. Masalong, Labo. Naibalik ang serbisyo ng kuryente sa bayan ng Labo alas-diyes y medya ng umaga, dalawa’t kalahating oras matapos magsimula ang nasabing gawain.

Naibalik ang serbisyo ng kuryente sa lalawigan bandang alas-tres ng hapon maliban sa mga lugar na sakop ng Feeder 4 ng Lag-on Substation sa kadahilanang nagpatuloy ang pagpapalit ng mga poste sa mga bayan na sakop nito hanggang alas-tres y medya ng hapon.

Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa Technical Services Department (TSD) Office sa cellphone nos. 09081865100 at 09274974575 at landline no. 054-5713796.