CANORECO Balita

5MVA Talobatib SubStation ng CANORECO, Nasunog

Nasunog ang 5MVA power transformer at iba pang kagamitan ng Talobatib SubStation ng CANORECO noong June 19, 2020. Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan pa ang pinagmulan ng sunog at kung magkano ang kabuuang halaga ng mga nasunog na kagamitan. Ito ay base na rin sa naunang ipinalabas na kalatas ng CANORECO noong June 22, 2020.

Ang pangyayaring ito ay nagdulot ng emergency power service interruption sa buong lalawigan ng Camarines Norte maliban sa mga bayan ng Paracale at Jose Panganiban mula 7:51 umaga. Naibalik din naman agad ang serbisyo ng kuryente sa mga lugar na hindi sakop ng Talobatib Substation matapos ang isang oras.

Sa ngayon, ang Talobatib to Southroad Labo Line ng nasabing substation ay kumukuha ng kuryente sa Batobalani Line ng Tawig SubStation at sa Capalonga Line ng Malatap SubStation. Samantala, ang Labo Line naman nito ay kasalukuyang pinapailawan ng Talisay-Vinzons Line ng Calintaan SubStation.

Humihingi ng paumanhin ang pamunuan ng CANORECO sa mga miyembro-konsumidores nito sa nangyaring insidente at sa mga emergency power service interruption na kinailangang gawin upang muling makapag-supply ng kuryente sa mga lugar na sakop ng nasunog na Talobatib SubStation.

Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa Technical Services Department (TSD) sa cellphone nos. 09081865100 at 09274974575, at landline no. 054-5713796.