CANORECO Balita

ALECO Nagsagawa ng Benchmarking sa CANORECO Ukol sa Net Metering Program at SCADA System

Noong ika-7 ng Agosto, 2024, matagumpay na isinagawa ng Albay Electric Cooperative, Inc. (ALECO) ang benchmarking activity sa Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) upang mapag-aralan at matutunan ang mga best practices at mga pamamaraan ng CANORECO sa pagpapatupad ng Net Metering Program at paggamit ng SCADA System sa mga substations.

Pinangunahan ni ALECO Technical Services Department Manager na si Engr. Mark Jessan C. Lucilo ang sampung empleyado mula sa kanilang tanggapan na nakiisa sa benchmarking activity. Ang nasabing aktibidad ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Technical Services Department (TSD) at Corporate Services Department (CSD) ng CANORECO, na nagsilbing mga gabay at resource persons para sa ALECO Team.

Sa presentation mula sa mga personnel ng CSD ng CANORECO tungkol sa Net Metering Program, nabigyan ng ideya at kaalaman ang mga delegado mula sa ALECO kung paano nila mailalapat ng maayos sa lalawigan ng Albay ang programang ito.

Natutunan rin ng ALECO Team ang mga parameters na isinasaalang-alang ng CANORECO sa pagpapatupad ng Net Metering, gaya ng tama at maayos na pag-set up ng mga meter na kayang mag-record ng parehong pagpasok at paglabas ng kuryente mula sa isang system. Sinuri rin nila ang proseso ng pagbuo ng mga polisiya na makakasiguro na patas at makatwiran ang mga kondisyon para sa mga MCOs na nagnanais mag-apply sa programang ito.

Bukod sa Net Metering, pinagtuunan din ng pansin ng ALECO ang Supervisory Control and Data Acquisition (SCADA) System ng CANORECO. Ang SCADA System ay isang teknolohiyang nagbibigay-daan para sa remote monitoring at control ng mga substations. Ibig sabihin, centralized na ang lahat ng controls sa bawat substations ng Kooperatiba kahit gaano pa kalayo ang mga ito. Sa pamamagitan nito, mas mabilis na natutukoy at naaayos ang mga suliranin sa linya ng kuryente, na nagreresulta sa mas mataas ng kalidad ng serbisyo para sa mga MCOs.

Sa pagtatapos ng aktibidad, ipinahayag ng ALECO ang kanilang pasasalamat sa CANORECO sa pagbibigay ng pagkakataon na malaman at matutunan ang mga sistema at pamamaraan upang mas mapagbuti pa ang serbisyo ng ALECO para sa MCOs ng Albay.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph