Ginanap noong ika-8 ng Oktubre 2024 ang benchmarking visit ng First Catanduanes Electric Cooperative, Inc. (FICELCO) sa Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) upang pag-aralan ang Net Metering Services at Supervisory Control and Data Acquisition (SCADA) System ng CANORECO. Pinangunahan ng Corporate Planning Department (CPD) Manager na si Mr. Neil P. Tesorero ang apat na personnel ng FICELCO na delegasyon sa benchmarking visit.
Ang mga bisita mula sa FICELCO ay malugod na tinanggap ng Corporate Services Department (CSD) Manager na si Mr. Geddie C. Orcales at ng Technical Services Department (TSD) Manager na si Engr. Redentor A. Molina. Kasama rin sa pagtanggap ang ilang piling personnel mula sa CANORECO upang masiguro ang maayos na daloy ng talakayan at pagbabahagi ng mga proseso at sistema ng kooperatiba.
Sa unang bahagi ng presentation, tinalakay ni Engr. Jomyl S. Oida (Corporate Planning Engineer) kung ano ang Net Metering Services ng CANORECO. Ang Net Metering Services ay isang programa na nagpapahintulot sa mga Member Consumer Owner (MCO)na mag-generate ng itinakdang laki ng kuryente mula sa isang renewable energy system tulad ng solar energy para sa pansarili nilang konsumo, at makapag-export ng sobrang na-produce na kuryente pabalik sa grid.
Ipinaliwanag naman ni Mr. Jason A. Bayaborda (Network Information & Technology Division Chief) ang sistema na ginagamit ng CANORECO para sa maayos na pag-monitor at pag-account sa mga nag-avail ng Net Metering Services sa kooperatiba. Sinagot naman ni Mr. Orcales ang mga katanungan mula sa FICELCO tungkol sa pagpapatupad ng programa, mula sa pagbubuo ng mga polisiya hanggang sa aktwal na implementasyon nito.
Itinuro naman ni Engr. Molina ang mga kailangang kagamitan at teknikal na kaalaman para sa pag-install at pag-inspect ng renewable energy systems para sa Net Metering Services. Upang mas mapalalim pa ang kaalaman ng mga delegado, ipinakita ni Engr. Molina ang isang aktwal na renewable energy system na gumagana at kasalukuyang ginagamit para sa programa.
Sa kabilang banda, ipinaliwanag naman ni Engr. Roi Dranreb S. Pecundo (Substation/Special Equipment/Metering Division Chief) ang kahalagahan at kagandahan ng pagkakaroon ng SCADA System na naka-install sa mga substation ng CANORECO. Ang SCADA System ay isang advanced technology na nagbibigay-daan sa CANORECO na masubaybayan at makontrol ang mga operasyon ng mga substation mula sa isang central control point. Sa pamamagitan ng sistemang ito, mas mabilis na makakatugon sa mga teknikal na isyu, mas efficient ang operasyon, at mas napapabuti ang kalidad ng serbisyo sa mga MCO.
Bumisita ang mga delegado ng FICELCO sa SCADA Control Room at sa Lag-on Substation upang makita ang aktwal na operasyon ng sistemang ito ng kooperatiba. Nagbigay rin ng mga tip si Engr. Pecundo, Engr. Molina at Mr. Orcales kung paano magiging maayos at madali ang implementasyon nito sa FICELCO.
Nagtapos ang aktibidad sa isang maikling pasasalamat at pagbibigay ng token ng mga personnel ng CANORECO sa mga delegado. Ang benchmarking visit na ito ay nagpatibay sa relasyon ng CANORECO at FICELCO, at inaasahang magbubunga ng mas malalim na kolaborasyon para sa pagpapabuti ng serbisyo para sa mga MCO ng parehong kooperatiba.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na
www.canoreco.com.ph