CANORECO Balita

MSEAC Gagawin Nang MCOPE

Bilang pagtalima sa National Electrification Administration (NEA) Memorandum No. 2020-005 na inilabas noong February 17, 2020, pinulong ng CANORECO ang mga Chairperson ng bawat Multi-Sectoral Electrification Advisory Council (MSEAC) ng bawat bayan ng Camarines Norte noong September 18, 2020 sa 4th Flr. Function Hall, CANORECO Bldg., Daet, Camarines Norte.

Ang MSEAC ay binubuo ng mga representante ng mga miyembro-konsumidores mula sa iba’t ibang sektor sa bawat munisipalidad ng lalawigan ng Camarines Norte. Sila ay naging katuwang ng Kooperatiba sa pagpapalaganap ng mga programa nito ukol sa rural electrification, membership education at mga updates tungkol sa CANORECO. Naging aktibo din sila sa pagdalo at pagtulong sa mga aktibidades ng Kooperatiba gaya ng District Elections, Annual General Membership Assembly (AGMA) at mga Corporate Social Responsibility (CSR) practices.

Dumalo sa naturang pagpupulong sina CANORECO Board President Engr. Edwin Lamadrid – Director ng Paracale at Caretaker ng Jose Panganiban, Director Bartolome Armin Nieva ng San Vicente/Talisay, Director Melchor Antigua ng Sta. Elena, Director Juanito Palmero ng Mercedes, Director Cesar Elizario ng Basud, at Director Nicanor Neri ng Labo.

Dumalo rin sina CANORECO General Manager Zandro Gestiada, Institutional Services Manager Mary Ann Moreno, Member Services Chief Rhea Aivee Peñalosa, at Membership Education and Information Head Melissa Abogado.

Ang mga opisyal ng CANORECO MSEAC na dumating ay sina Ms. Gilda Manaog ng Daet North, Ms. Milagros Salamanca ng Daet South, Ms. Rosalinda Ogalisco ng Mercedes, Ms. Lanie Smith ng Jose Panganiban, Mr. Reynaldo Espiritu ng Vinzons, Mr. Carlos Lomallo ng Basud, Ms. Cristina Maño sa ngalan ni Ms. Imelda Encinas ng San Lorenzo Ruiz at Mr. Aristeo Sanchez ng Sta. Elena.

Layon sa pagpupulong na matalakay ang serye ng memoranda mula sa NEA patungkol sa pagbuo ng Member-Consumer-Owners Program for Empowerment (MCOPE) noong 2018 at pagpapatigil na sa pag-organisa ng sunod na MSEAC.

Ipinaalam sa mga pinuno ng MSEAC na hindi na sila muling bubuuin sa pagtatapos ng kanilang kasalukuyang termino sa December 31, 2020. Ipinaalam din kung sino-sino ang mga opisyal at miyembro nila na nakasali sa binuong MCOPE.

Hinikayat naman na muling sumali ang mga opisyal at miyembro ng MSEAC sa sunod na eleksyon ng MCOPE sa August 2021 kung kailan magtatapos ang termino ng mga kasalukuyang opisyal nito.

Pinasalamatan din ng pamunuan ng Kooperatiba ang MSEAC sa labing apat (14) na taong paglilingkod at pagtulong nito. Inaasahan na magiging katuwang pa rin sila ng Kooperatiba para sa pagpapalakas at pagpapaunlad ng mga programa para sa mga miyembro-konsumidores nito.

Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa Institutional Services Department (ISD) sa cellphone no. 09081865100 at landline no. 054-5713796.