Ipinagdiriwang ngayong buwan ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO), partikular sa ika-15 ng Mayo, ang ika-49 na Turn Over Anniversary nito. Sa loob ng 49 na taon, patuloy na nagbibigay-serbisyo ang CANORECO sa labing-dalawang bayan ng lalawigan ng Camarines Norte bilang isang non-stock, non-profit, non-sectarian, non-political, at service-oriented na kooperatiba.
Ang pagdiriwang na ito ay paggunita sa pagsisimula ng kooperatiba sa operasyon nito matapos mailipat rito noong May 14, 1976 ang pamamahala sa Daet Electric Plant, na isang pribadong kompanya na pinangangasiwaan ng Hidalgo Enterprises. Binili ng CANORECO ang pagmamay-ari ng nasabing kompanya sa halagang Php 3,500,000.00 na bahagi ng Php 11,635,000.00 na loan agreement ng CANORECO sa National Electrification Administration o N.E.A. Nagsimula naman ang pormal na operasyon ng kooperatiba noong sumunod na araw, 15 May 1976.
Magkakaroon ng iba’t ibang aktibidad ang kooperatiba sa pagdiriwang ng ika-49 na Turn Over Anniversary nito. Nagsimula noong ika-9 ng Mayo ang ilang palaro para sa mga empleyado tulad ng Scrabble, Chess, Dart, at E-Games na nilahukan ng mga empleyado mula sa iba’t ibang departamento ng kooperatiba.
Sa araw mismo ng anibesaryo ay mamimigay ang kooperatiba ng payong sa unang 49 na Member-Consumer-Owner (MCO) na magbabayad ng kanilang bayarin sa kuryente sa bawat Area Office kasama ang Main Office. Kasabay rin sa mga aktibidad sa araw na ito ang pagpapamisa sa bawat bayan ng lalawigan at awarding ceremony para sa mga nanalo sa palaro ng kooperatiba.
Sa May 16 naman ay magkakaroon ng Gift-giving Program sa Our Lady of Guadalupe Orphanage sa bayan ng Labo at Halfway Home sa bayan naman ng Daet. Sa May 23 ay magkakaroon ng Tree-planting Activity kung saan ang lugar ay ia-anunsyo sa susunod na mga araw. Sa May 24 naman ay Hiking Activity sa Brgy. Hinipaan sa bayan ng Mercedes, at sa May 31 ay Fun Walk mula Brgy. Bagasbas sa Daet hanggang Brgy. San Jose sa Talisay kung saan magkakaroon rin ng Zumba Dance para sa mga sasama sa nasabing aktibidad.
Sa taunang pagdiriwang na ito, taos-puso ang pagpapasalamat ng CANORECO sa lahat ng mga MCO sa patuloy na pagbibigay-suporta sa mga layunin at adhikain ng kooperatiba. Patuloy na pagbubutihin ng kooperatiba ang mga serbisyo nito para sa mga MCO upang tuluyang maisakatuparan ang Total Electrification sa lalawigan ng Camarines Norte.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na CANORECO at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph


