CANORECO Balita

CANORECO 49th Turn Over Anniversary Hiking Activity

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-49 na Turn Over Anniversary ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO), nagsagawa ng Hiking Activity ang Kooperatiba nitong Sabado (24 May 2025) patungong Hinipaan Falls na matatagpuan sa Barangay Hinipaan sa bayan ng Mercedes.

Ang aktibidad na ito ay inorganisa ng Occupational Safety and Health (OSH) Committee ng CANORECO upang hikayatin ang mga empleyado at ang mga Member-Consumer-Owner (MCO) na maging health-conscious at mag-engage sa mga aktibidad na maaaring ma-exercise ang kanilang pangangatawan. Bukod pa sa hangaring ito, ang pagpapahalaga sa kagandahan ng kalikasan at maging kaisa sa pangangalaga nito.

Nasa labing-anim (16) na empleyado at MCO ang sumama sa aktibidad. Nagsimula ang hike bandang 9:00 ng umaga sa Hinipaan Resort na nasa bungad ng trail patungong Hinipaan Falls. Bitbit ang mga pagkain at tubig, nilakad ng grupo ang trail na aabot nang hanggang 200 metro ang elevation sa loob ng halos dalawang oras. Bukod pa rito ang mga sapa at ilog na tatawirin upang makarating sa Falls. May parte rin sa trail kung saan matatanaw ang mga isla na sakop ng bayan ng Mercedes.

Ang Hinipaan Falls ay may katamtamang taas at napapaligiran ng mga puno. Malamig din ang tubig na nagmumula rito – samahan pa ng malamig din na hangin na itinutulak ng bumabagsak na tubig mula sa Falls. Mababaw lang din ang lalim ng tubig sa ibaba ng Falls kaya kahit ang hindi masyadong marunong lumangoy ay maaaring mag-enjoy dito.

Matapos magpahinga, kumain, mag-picture, at ma-enjoy ang lamig na dulot ng Falls ay naglakad na muli ang grupo pabalik sa Hinipaan Resort. Naging sulit ang buong Hiking Activity dahil sa ganda ng Hinipaan Falls pati na rin ng mga tanawin na madaraanan. Naging maganda rin ang pakikitungo ng komunidad ng Barangay Hinipaan sa grupo na nag-hike patungong Falls.

Ang mga ganitong aktibidad ay nagpapakita ng aktibong partisipasyon ng kooperatiba sa mga komunidad. Inaasahan na tuloy-tuloy ang mga ganitong programa ng OSH Committee ng CANORECO para sa kalusugan ng pangangatawan at kaisipan ng mga empleyado at ng mga MCO.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na CANORECO at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph