CANORECO Balita

NEA Nagsagawa ng Pinal na Inspeksyon sa mga Naibalik na Linya ng Kuryente ng CANORECO Matapos ang Pananalasa ng Bagyong Uwan

DAET, Camarines Norte — Nagsagawa ng pinal na inspeksyon at assessment ang National Electrification Administration (NEA), sa pamamagitan ng kanilang Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD), sa mga naibalik at na-rehabilitate na distribution lines ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) mula Mayo 11 hanggang 20, 2026.

Pinangunahan nina Engr. Michael John S. Pasion at Engr. Mark Ian D. Francisco ng NEA-DRRMD ang isinagawang inspeksyon upang suriin ang naging restoration at rehabilitation works matapos ang malawakang pinsalang dulot ng Bagyong Uwan na tumama sa Camarines Norte noong Nobyembre 9, 2025.

Ayon sa NEA, bahagi ang aktibidad na ito ng final inspection and acceptance process para sa mga proyekto ng rehabilitasyon na pinondohan sa ilalim ng 2025 Electric Cooperative Emergency and Resiliency Fund (ECERF) Replenishment Program. Kabilang sa sinuri ang mga naibalik na distribution lines at iba pang electrical facilities na napinsala ng bagyo.

Matinding pinsala ang idinulot ng Bagyong Uwan sa ilang bayan na nasasakupan ng CANORECO matapos matumba ang mga poste, maputol ang mga linya ng kuryente, at masira ang iba’t ibang pasilidad ng kooperatiba dahil sa malalakas na hangin at tuloy-tuloy na pag-ulan. Agad namang nagsagawa ng restoration operations ang CANORECO upang unti-unting maibalik ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar at mga Member-Consumer-Owners (MCOs).

Inatasan din ng NEA ang CANORECO na ihanda ang mga kinakailangang liquidation at supporting documents kaugnay ng paglalabas ng Certificate of Final Inspection and Acceptance (CFIA), alinsunod sa NEA Memorandum No. 2021-12 hinggil sa liquidation ng subsidy-funded projects.