Nagdulot ng load dropping sa Camarines Norte at iba pang lugar sa Luzon ang naranasang kakulangan sa suplay ng kuryente mula Mayo 13 hanggang 15, 2026, kasabay ang pagdeklara ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng Red at Yellow Alert Status sa Luzon Grid.
Ayon sa Department of Energy (DOE), isa sa pangunahing dahilan ng krisis ay ang pag-trip ng dalawang mahalagang transmission lines noong Mayo 13, ito ay ang Tayabas–Ilijan 500kV Line at Dasmariñas–Ilijan 500kV Line. Ang mga linyang ito ay nagsisilbing pangunahing daluyan ng malaking bahagi ng kuryente mula sa mga planta papunta sa Metro Manila, iba pang bahagi ng Luzon, at maging sa Visayas Grid sa pamamagitan ng interconnected transmission system.
Dahil dito, naapektuhan ang operasyon ng malalaking planta gaya ng Excellent Energy Resources, Inc. (EERI) at South Premiere Power Corporation Ilijan Natural Gas-fired Power Plant. Tinatayang nasa 12% ng suplay ng Luzon ang dumadaan sa naturang transmission lines kaya nagkaroon ng pagbaba ng reserve power at kakulangan sa available capacity ng grid.
Noong Mayo 13, unang nagdeklara ang NGCP ng Yellow Alert mula alas-2 ng hapon hanggang alas-3 ng hapon at alas-8 ng gabi hanggang alas-10 ng gabi, habang isinailalim naman sa Red Alert ang Luzon Grid mula alas-3 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi. Sa tala ng NGCP, umabot sa 12,537 MW ang peak demand habang 12,447 MW lamang ang available capacity. Mahigit 4,681 MW din ang hindi available sa grid dahil sa forced outages at derated capacities ng mga planta.
Sa Camarines Norte, nagkaroon ng Automatic Load Dropping (ALD) ang mga lugar na sakop ng Labo-Malatap-Talisay 69kV Line noong Mayo 13 mula 6:30 AM hanggang 6:42 AM dahil sa system deficiency. Bandang hapon, Manual Load Dropping (MLD) naman sa mga lugar na sakop ng Labo-Paracale-Panganiban 69kV Line mula 4:00 PM hanggang 5:57 PM. Pagsapit ng gabi, nagsagawa ng MLD ang NGCP sa Labo-Malatap-Talisay 69kV Line mula 9:12 PM hanggang 11:01 PM dahil naman sa generation deficiency.
Nagpatuloy ang Red at Yellow Alerts noong Mayo 14 at 15 dahil sa patuloy na pagkaka-forced-outage ng ilang mga planta ng kuryente. Umabot pa sa halos 4,920.8 MW ang hindi available na kapasidad noong gabi ng Mayo 14. Noong Mayo 15, pinalawig pa ng NGCP ang Red Alert matapos mag-trip ang GNPD Unit 1 na nagresulta sa pagkawala ng 668 MW na karagdagang supply.
Gayunman, unti-unting bumuti ang sitwasyon matapos maibalik sa normal na operasyon ang Tayabas–Ilijan at Dasmariñas–Ilijan 500kV Lines. Bandang 11:02 ng gabi ng Mayo 15 ay tuluyan nang inalis ang Red Alert sa Luzon Grid habang nanatili muna ang Yellow Alert hanggang hatinggabi.
Pagsapit ng Mayo 16, inanunsyo ng NGCP na nasa normal na kondisyon na muli ang Luzon Grid. Ayon sa NGCP, nakatulong ang pagbabalik sa full capacity ng GNPD 1, EERI 2, at EERI 3 na nagdagdag ng kabuuang 1,510 MW sa available capacity ng Luzon Grid.