Dalawang Auditors mula sa National Electrification Administration (NEA) ang bumisita sa Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) noong ika-26 ng Pebrero upang magsagawa ng Assessment at Validation sa naging Livelihood Program ng kooperatiba sa bayan ng Mercedes.
Matatandaan na noong ika-30 ng Oktubre ng nakaraang taon (2024) ay namahagi ang kooperatiba ng nasa 100 metro ng lambat, at iba pang kagamitan sa pangingisda sa nasa 140 na mangingisda mula sa mga barangay ng Apuao, Caringo, Cayucyucan, Gaboc, Quinapaguian, Manguisoc, at III. Ginanap ito sa Mercedes Central Elementary School, sa pangunguna ni Director Arwin A. Segundo ng CANORECO District X na sumasaklaw sa nasabing bayan.
Nakarating ang ilan sa mga mangingisda na nakatanggap ng mga kagamitan mula sa Livelihood program upang sumailalim sa assessment at validation ng NEA na ginanap sa Barangay Cayucyucan sa bayan ng Mercedes. Pinangunagan ni Ms. Janice Mabilog, NEA Senior Community Relations Officer kasama si Ms. Criselda Cruz na NEA Senior Data Encoder Controller ang aktibidad na ito.
Sumagot ang mga naging benepisyaryo ng programa sa mga naging katanungan ng mga personnel ng NEA kung ang kanila bang natanggap na pangkabuhayan na kagamitan ay nakatulong at angkop sa kanilang pangangailangan. Nakasama rin sa aktibidad si Director Arwin A. Segundo upang mag-assist sa mga taga-NEA at sa mga mangingisda.
Pauna lamang ang programang ito sa mga nakalinya pang Livelihood Programs ng kooperatiba para sa mga Member-Consumer-Owners ngayong taon.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na CANORECO at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph


