CANORECO Balita

CANORECO, Nagkaroon ng Appreciation Course sa ISO 9001:2015 Standard para sa Piling mga Empleyado Nito

Matagumpay na naisagawa ng CANORECO ang Appreciation Course sa ISO 9001:2015 Standard nitong Pebrero 4-6, 2025 sa Area 1 Office, Daet, Camarines Norte. Ang nasabing pagsasanay ay nilahukan ng labinlimang (15) empleyado ng CANORECO at pinangunahan naman ng Synergized Macro Solutions (SMS), na siyang kasalukuyang katuwang ng Kooperatiba sa pagproseso ng ISO 9001:2015 certification nito mula sa TÜV Nord.

Ang ISO 9001:2015 Certification ay isang pandaigdigang pamantayan para sa Quality Management System (QMS) na naglalayong tiyakin ang patuloy na pagpapabuti ng sistema at proseso ng isang organisasyon. Gayundin ang masiguro ang epektibo at mataas na kalidad ng serbisyo sa Member-Consumer-Owners (MCOs). Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, natutunan ng mga kalahok ang mahahalagang prinsipyo ng QMS, tulad ng customer focus, leadership, process approach, improvement, evidence-based decision-making, at relationship management.

Ang TÜV Nord naman ay isang international certifying body na magsusuri sa pagsunod ng CANORECO sa ISO 9001:2015 standards. Nakabase sa Germany ang TÜV Nord na isang kilalang institusyon na may higit 150 taon na karanasan sa larangan ng quality, safety, at sustainability. May operasyon ito sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas, kung saan ito ay kinikilala bilang isang awtorisadong tagapagbigay ng ISO certififcations.

Sa tatlong araw na pagsasanay, tinalakay ng mga eksperto mula sa SMS ang iba’t ibang aspeto ng ISO 9001:2015, kabilang ang:

  • Pangunahing konsepto ng ISO 9001:2015 (Ano ang kahalagahan nito sa isang organisasyon?),
  • Mga kinakailangan sa dokumentasyon (Paano dapat isagawa ang tamang pagbuo at pagpapanatili ng mga dokumento ayon sa pamantayan?),
  • Risk-based thinking (Paano matutukoy at mahahawakan ang mga potensiyal na panganib sa operasyon ng Kooperatiba?),
  • Internal audit at continual development (Ano ang mga hakbang upang mapanatili ang pagsunod sa pamantayan at mapabuti pa ang sistema?).

Ang pagsasanay na ito ay hakbang ng Kooperatiba na patuloy na maging isang ISO 9001:2015 certified na organisasyon sa pagdaraos ng 2nd Surveillance Audit ng TÜV Nord ngayong taon. Isa itong patunay sa dedikasyon ng CANORECO sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyo sa mga MCOs nito.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na CANORECO at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph