CANORECO Balita

Ilang Empleyado ng CANORECO, Sumailalim sa Seminar Tungkol sa Epektibong Pagresolba ng Suliranin

Noong Pebrero 27-28, 2025, matagumpay na naisagawa ang Course on Problem Solving: Correction, Root Cause Analysis, at Corrective Action na ginanap sa Area 1 Office ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO). Ang nasabing pagsasanay ay dinaluhan ng 17 na empleyado ng Kooperatiba at pinangunahan ng Synergized Macro Solutions (SMS), ang katuwang ng CANORECO sa pagkuha ng sertipikasyong ISO 9001:2015 mula sa TÜV Nord.

Sa loob ng dalawang araw, sumailalim ang mga kalahok sa masusing talakayan at praktikal na pagsasanay tungkol sa tamang pagresolba ng mga problema sa organisasyon. Sa pamamagitan ng pag-aaral sa kursong ito, natutunan ng mga empleyado ang epektibong paraan sa pagtukoy sa ugat ng isang isyu, pagpapatupad ng nararapat na solusyon, at pag-iwas sa muling paglitaw ng suliranin sa hinaharap.

Natutunan ng mga kalahok ang:

  • Correction o ang kahalagahan ng agarang aksyon upang malunasan ang isang isyu. Ipinakita kung paano magpatupad ng pansamantalang solusyon upang maiwasan ang negatibong epekto ng isang problema habang inaalam pa ang tunay na sanhi nito.
  • Root Cause Analysis o ang iba’t ibang pamamaraan sa pagsusuri ng ugat ng isang problema, tulad ng 5 Whys Method at Fishbone Diagram. Natutunan ng mga kalahok na alamin ang pinakapuno ng isyu at hindi lamang ang panlabas na sintomas nito.
  • Corrective Action o proseso ng pagbubuo at pagpapatupad ng pangmatagalang solusyon upang maiwasan ang pag-ulit ng problema. Gayundin ang pagmo-monitor at pagsusuri ng mga inilapat na hakbang upang matiyak ang pagiging epektibo nito.

Bukod sa teorya, nagkaroon rin ng hands-on exercises kung saan ang mga kalahok ay nagpraktis ng kanilang natutunan sa pamamagitan ng aktwal na pagsusuri ng mga isyung kinakaharap ng CANORECO.

Bahagi ang pagsasanay na ito sa patuloy na pagsisikap ng Kooperatiba na mapaunlad ang Quality Management System (QMS) nito at mapanatili ang sertipikasyon bilang isang organisasyon na nakasunod sa ISO 9001:2015 Standards.

Asahan na ang mas marami pang programa at pagsasanay na magdaragdag sa kakayahan ng mga kawani upang makapagbigay ng de kalidad na serbisyo sa lahat ng mga Member-Consumer-Owner (MCO).

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na CANORECO at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph