Nagsagawa ng audit activity ang Synergized Macro Solutions (SMS) sa Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) noong ika-3 hanggang ika-5 ng Marso 2025. Ito ay bilang patuloy na paghahanda sa Surveillance Audit na isasagawa ng TÜV Nord ngayong taon upang suriin ang pagsunod ng kooperatiba sa ISO 9001:2015 Standards.
Tatlong auditor mula sa SMS ang nagsuri sa mga umiiral na proseso ng bawat Division at Department, at Area Offices upang malaman kung nasusunod at epektibo pa rin ang mga ito ayon sa pamantayan ng ISO 9001:2015. Tiningnan ang mga dokumento, recordkeeping, at actual operations upang matukoy kung may mga pagkukulang, non-conformities, o mga oportunidad para sa pagpapabuti ng serbisyo.
Bawat opisina, maging ang mga substation, ay binisita ng mga auditors upang personal na ma-obserbahan at makausap ang mga empleyado tungkol sa mga nalalaman nila sa mga umiiral na proseso sa kanilang unit at ang pagsunod nila sa mga ito. Masusing itinala ito ng mga auditors upang sila ay makapagbigay ng malinaw na rekomendasyon sa kooperatiba.
Matatandaang matagumpay na nakamit ng CANORECO ang rekomendasyon mula sa Auditors ng TÜV Nord para ma-certify na ISO 9001:2015 compliant ang QMS nito noong March 31, 2023 at natanggap ang sertipikasyon na valid mula June 28, 2023 hanggang June 27, 2026. Matagumpay ring naipasa ng kooperatiba ang 1st Surveillance Audit ng TÜV Nord na isinagawa noong April 11 hanggang 12 noong nakaraang taon (2024). Naging katuwang ng CANORECO ang SMS sa lahat ng tagumpay nito para sa ISO 9001:2015.
Matapos ang auditing sa bawat Division, Department, at Area Offices ay nagkaroon ng Exit Conference ang SMS kung saan kanilang iprinesenta sa pamunuan ang lahat ng kanilang mga naging obserbasyon sa tatlong araw na pag-audit sa kooperatiba.
Patuloy na pagbubutihin ng kooperatiba ang mga proseso nito upang makapagbigay ng mas maganda at mas maayos na serbisyo sa lahat ng mga Member-Consumer-Owners.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na CANORECO at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph


