CANORECO Balita

Bagong Gusali ng Bagong Silang Service Center, Operational Na

Nagbukas na ang bagong gusali ng Bagong Silang Service Center ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) noong ika-23 ng September 2025, sa Purok 2, Barangay Bagong Silang 1, bayan ng Labo. Layunin nitong magbigay ng mas mabilis, maayos, at komportableng serbisyo para sa mga Member-Consumer-Owner (MCO) sa lugar.

Ang bagong service center ay isang single-storey block-type commercial building na itinayo sa isang 400-square meter na lote. Ganap itong naka-aircondition upang masiguro ang maaliwalas na kapaligiran para sa mga transaksyon ng mga MCO. Mayroon itong teller’s booth para sa pagbabayad ng bills at iba pang serbisyo, living quarters para sa mga naka-assign na empleyado, kusina, at dalawang palikuran. Sa lawak at disenyo ng pasilidad, mas maraming MCO ang maaaring sabay-sabay na mapaglingkuran nang hindi nagkakaroon ng masikip na pila.

Kasunod ng pagbubukas, ginanap ang blessing ng gusali noong Setyembre 24, 2025. Dinaluhan ito ni CANORECO District IV (Labo) Director Jomelo Salvador V. De Lima at ng mga kawani mula sa Area 2 Office. Ang seremonya ay nagsilbing pasasalamat sa katuparan ng plano ng Kooperatiba na magkaroon ng sariling lupa at pasilidad sa Bagong Silang.

Patuloy namang tiniyak ng CANORECO na magpapatuloy ang mga inisyatibo sa pagpapaganda at modernisasyon ng mga pasilidad nito. Layon nitong tugunan ang lumalaking pangangailangan ng mga MCO at sabayan ang mabilis na pagbabago sa larangan ng serbisyo ng kuryente.