Bilang kabahagi sa diwa ng bayanihan at pakikiisa sa mga kapwa Electric Cooperative, nagpadala ang Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) ng limang (5) lineman, dalawang (2) driver, at tatlong (3) sasakyan bilang bahagi ng Task Force Kapatid upang tumulong sa Masbate Electric Cooperative, Inc. (MASELCO) sa pagpapanumbalik ng kuryente sa lalawigan ng isla ng Masbate.
Bukod sa mga Line Worker ay kasama ring tumungo sa nasabing lalawigan sina CANORECO General Manager Zandro R. Gestiada at General Services Division Chief Victor B. Solano, Jr. bilang tugon sa panawagan ni National Electrification Administration (NEA) Administrator Antonio Mariano C. Almeda sa General Manager ng bawat Electric Cooperative na bahagi ng Task Force Kapatid para sa isang diyalogo ukol sa gagawing restoration works sa mga naapektuhang lugar.
Matatandaang nitong Setyembre 26, 2025, nanalasa ang Bagyong Opong na nag-landfall sa bayan ng Palanas, Masbate, taglay ang lakas ng hangin na 110 km/h, bugso na umabot sa 150 km/h, at bilis na 30 km/h. Dulot nito ay malawakang pinsala sa imprastruktura, partikular sa mga linya ng kuryente, dahilan upang mawalan ng suplay ng elektrisidad ang nasabing lalawigan.
Ang CANORECO ay isa sa mga Electric Coopeative na tumugon sa panawagan ng National Electrification Administration (NEA) at Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA) na magpadala ng suporta sa MASELCO. Layunin nitong pabilisin ang restoration works upang muling maibalik ang kuryente sa mga apektadong komunidad sa lalong madaling panahon.
Nitong Lunes, 29 September 2025, nagsagawa ng maikling briefing si GM Gestiada para sa mga kalahok sa Task Force bago sila opisyal na tumulak patungong Masbate. Tiniyak niya na kumpleto ang kanilang kagamitan at handa ang kanilang team para sa misyon. Bukod sa manpower at sasakyan, naghatid din ang CANORECO ng relief goods para sa mga nasalanta ng bagyo.
Ang Task Force Kapatid ay isang programa ng NEA at PHILRECA na naglalayong magbigay ng mabilis at konkretong tulong sa mga electric cooperative na tinamaan ng kalamidad. Sa pamamagitan ng pagtutulungan, napapabilis hindi lamang ang pagbabalik ng suplay ng kuryente kundi maging ang pagbangon ng buong komunidad.
Sa aktibong pakikibahagi ng CANORECO, muling ipinakita ng kooperatiba ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan, na siyang pundasyon ng bayanihan sa sektor ng elektripikasyon. Ito ay patunay na sa oras ng pangangailangan, handang tumugon at makiisa ang bawat kooperatiba para sa kapakanan ng mga mamamayan.

