CANORECO Balita

CANORECO Livelihood Program: Second Batch

Matagumpay na naipamahagi sa pangalawang batch ng mga benepisyaryo ang mga biik at feeds noong Setyembre 18 at 24, 2025 bilang bahagi ng Livelihood Program ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO). Layunin ng programang ito na makatulong sa mga kwalipikadong Member-Consumer-Owners (MCO) sa pamamagitan ng proyektong hog raising.

Pinangunahan ni CANORECO MCO Vice President Grant Erwin Aurin ang distribusyon ng mga biik at feeds sa mga benepisyaryo mula Capalonga at Labo noong Setyembre 18. Kasunod nito, sina CANORECO MCO Federation President Cristina Grace Malate at ilang kawani ng kooperatiba ang nanguna sa pamamahagi para naman sa mga benepisyaryo mula Paracale at Daet North noong Setyembre 24.

Ang mga napiling benepisyaryo ay dumaan sa masusing screening at inspection na isinagawa noong Agosto 6, 2025, sa pangunguna ni MCO Federation Secretary Ricky Balce. Ang hakbang na ito ay nagtitiyak na may sapat na kakayahan at kaalaman ang mga beneficiary sa pag-aalaga ng baboy.

Matatandaan na noong Hunyo 11, 2025, unang nakapamahagi ng mga biik at feeds para sa unang batch ng programa, na kinabibilangan ng mga benepisyaryo mula Basud, Mercedes, San Lorenzo Ruiz, at Talisay.

Bilang bahagi ng pamamaraan ng programa, may dalawang opsyon ang mga benepisyaryo kapag lumaki na ang kanilang mga alaga. Una, kung ang mga biik ay manganak, kinakailangan nilang magbalik ng dalawang biik sa kooperatiba. Ikalawa, maaaring ibenta ang baboy at ibalik ang bahagi ng kinita sa CANORECO. Ang mga ibinabalik na biik o pondo ay gagamitin naman para suportahan ang mga susunod pang batch ng benepisyaryo.

Sa pamamagitan ng ganitong inisyatibo, ang CANORECO ay hindi lamang nakatuon sa pagbibigay ng serbisyo ng kuryente, kundi pati na rin sa pagbibigay ng dagdag na oportunidad para sa ikauunlad ng pamumuhay ng mga mamamayan ng Camarines Norte.