CANORECO Balita

CANORECO, Ipinagdiriwang ang Ika-50 na Anibersaryo ng Pagkakatatag

Limampung taon na ang nakalipas mula nang tanggapin ng National Electrification Administration (NEA) noong October 23, 1975 ang pagpaparehistro ng bagong tatag na electric cooperative sa Camarines Norte—ang Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO).

Nagsimula ang programang elektripikasyon sa lalawigan matapos ipasa ang Republic Act (RA) No. 6038 noong 1969, na pinalitan ng Presidential Decree (PD) No. 269 noong 1973. Sa pamamagitan ng mga batas na ito, nabuo ang NEA at mga Electric Cooperative (EC) sa buong bansa na may layuning maghatid ng ilaw mula siyudad hanggang sa pinakamalayong sitio—bilang hakbang upang mapaunlad ang kabuhayan at kalidad ng pamumuhay ng bawat Pilipino.

Mula sa 5,782 na konsumer noong unang taon ng operasyon, lumago ang CANORECO at ngayon ay mayroong 126,484 Member-Consumer-Owners (MCOs) at 150,520 consumer connections, batay sa August 2025 CANORECO Monthly Report on the Status of Rural Electrification Program.

Bilang paggunita sa makasaysayang okasyon, naghanda ang CANORECO ng iba’t ibang programa at aktibidad para sa mga MCO at komunidad:

  • October 10, 2025 – Bloodletting Activity sa Area 1 Office (Daet). Kasabay nito, magkakaroon ng libreng gupit para sa MCOs sa Main Office (Talisay) at Area 1 Office (Daet).
  • October 17, 2025 – Mobile Community Kitchen sa tapat ng Daet Elementary School para sa mga pamilyang walang tirahan at indibidwal na nangangailangan.
  • October 23, 2025 (Foundation Day) – Pagdiriwang ng Holy Mass sa iba’t ibang simbahan sa lalawigan at isang simpleng programa kung saan igagawad ang Loyalty Awards para sa mga empleyadong naglingkod ng 15 hanggang 25 taon para sa mga MCO ng CANORECO.
  • October 28, 2025 – Pamamahagi ng Hygiene Kits at School Supplies sa mga mag-aaral ng Malibago Elementary School bilang bahagi ng Adopt-a-School Program ng Kooperatiba.
  • October 29, 2025 – Pagpapa-raffle ng CANORECO 50th Founding Anniversary Raffle Promo para sa lahat ng MCO na updated sa kanilang power bills hanggang September 2025. Isasagawa ito sa pamamagitan ng electronic raffle sa CANORECO Main Office (Talisay).

Sa pagdiriwang na ito, muling ipinapaabot ng CANORECO ang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng Member-Consumer-Owners, na siyang tunay na nagmamay-ari ng kooperatiba, at sa mga opisyal at empleyado na patuloy na nagseserbisyo para sa kapakanan ng komunidad.

Higit pa sa pagbibigay ng kuryente, ang ika-50 anibersaryo ng CANORECO ay isang pagpapaalala na ang pagkakaisa ng mga MCO, opisyal, at empleyado ang nagsisilbing liwanag at lakas sa pagpapatuloy ng adhikain ng Rural Electrification Program—ngayon at sa mga darating pang dekada.