CANORECO Balita

Bagong Set ng CANORECO MCO Federation Officers (2024-2027), Nagsagawa ng Pinakauna Nilang Pagpupulong

Noong October 14, 2024, matagumpay na naisagawa ang unang pagpupulong ng bagong set ng Member-Consumer-Owner (MCO) Federation Officers ng CANORECO sa Conference Room ng CANORECO Main Office, Hotel Mega Star Building, Barangay Itomang sa bayan ng Talisay. Pinangunahan ito ng MCO Federation Chairman na si Ms. Mary Grace D. Malate mula sa Daet North District, kasama ang mga MCO Municipal Chairman na mula sa bawat munisipalidad ng Camarines Norte.
Dumalo rin sa pagpupulong ang mga kinatawan mula sa CANORECO Institutional Services Department sa pangunguna ni Ms. Melissa S. Abogado, Member Services Division Chief, at ni Ms. Lovely Marie Y. Occiano, Membership Education & Information Section Head.
Isa sa itinampok sa naturang meeting ay ang planong Livelihood Program ng CANORECO para sa mga kwalipikadong MCOs. Ang nasabing programa ay magbibigay ng tulong at suporta sa mga MCOs na nagnanais mag-umpisa ng kanilang pangkabuhayan, partikular sa sector ng pag-aalaga ng baboy o piggery. Layunin ng programang ito na maghatid ng karagdagang kabuhayan sa mga MCOs upang makatulong sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan at mapalago ang kanilang mga kabuhayan. Ang programang ito ay bahagi ng adhikain ng CANORECO na hindi lamang magbigay ng maayos na serbisyo sa mga MCOs, kundi magbukas din ng mga oportunidad para sa pang-ekonomiyang pag-unlad ng mga miyembro nito.
Bukod sa Livelihood Program, isa rin sa tinalakay sa pagpupulong ay ang mga serbisyong maaaring matanggap ng mg MCOs mula sa CANORECO, kasama rin ang mga paparating na mga aktibidad ng kooperatiba. Ibinahagi sa pagpupulong ang iba’t ibang programa at serbisyo na maaaring i-avail ng mga MCOs, tulad ng pagpapakabit ng serbisyo ng kuryente at diskwento sa bayarin sa kuryente para sa mga kwalipikado para rito. Kasama ring ibinahagi ang mga impormasyon at paalala tungkol sa kasalukuyang power rate, meter reading, mga pamamaraan sa pagbabayad ng electric bill, mga power disconnection and reconnection policy, at power service interruption. Ipinabatid din ang paparating na District Election para sa bayan ng Capalonga. Gayundin ang mga aktibidad ng kooperatiba sa pagdiriwang ng ika-49 na Founding Anniversary nito.
Ang unang pagpupulong na ito ay nagsilbing mahalagang hakbang upang malaman ng bagong set ng mga MCO Federation Officer ang mga programa ng kooperatiba para sa mga MCOs. Naging masigla ang talakayan sa pagitan ng mga opisyal. Inaasahang ang mga bagong MCO Federation Officer ay magiging aktibong katuwang ng CANORECO sa pagpapatupad ng mga programa at pagpapalaganap ng mga tamang impormasyon na makikinabang ang lahat ng miyembro.
Ang pagpupulong na ito ay isa lamang sa mga hakbang ng CANORECO upang higit pang mapaigting ang serbisyo nito, hindi lamang sa aspetong teknikal, kundi pati na rin sa aspetong pangkomunidad at kabuhayan ng mga miyembro. Ang kooperatiba ay nananatiling committed sa paghahatid ng maayos na serbisyo at pagsuporta sa mga programa na makatutulong sa pag-unlad ng mga MCO sa Camarines Norte.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph