Sa pagpasok ng buwan ng Hunyo, balik na sa normal ang billing system ng CANORECO. Ito ay matapos umabot sa halos dalawa’t kalahating buwan ang mga palugit at konsiderasyon, gaya ng 30-day extension of payment without interest, penalties, fees and other charges at amortization of four equal monthly installments.
Ibinigay ang mga ito ng mga kooperatiba sa mga miyembro-konsumidores na nakatakda sanang magbayad ng kanilang electric bills mula March 16, 2020 hanggang April 30, 2020, mga panahong isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Enhanced Community Quarantine o ECQ ang buong Luzon. Ang mga palugit at konsiderasyong nabanggit ay base sa mga Advisory ng Energy Regulatory Commission o ERC sa mga Distribution Utilities o DUs, gaya ng CANORECO, noong March 17, 2020, March 26, 2020, at April 15, 2020.
Sa mga lugar naman na ibinaba sa General Community Quarantine o GCQ na lamang, gaya ng lalawigan ng Camarines Norte, noong May 1, 2020, mananatili ang grace period na ibinigay sa mga miyembro-konsumidores sa kanilang mga due date sa mga electric bill na nag-due noong panahon ng ECQ. Ang direktibang ito ay base naman sa Advisory ng ERC noong May 5, 2020.
Ngunit sa ipinalabas na Advisory ng ERC noong May 22, 2020, HINDI na kasama ang CANORECO sa mga DU na inaatasang pahintulutan ang staggered payment at without penalties, interest and other fees sa mga electric bill ng mga miyembro-konsumidores nito. Ito ay sa kadahilanang ang naturang Advisory ay para lamang sa mga lugar na isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ.
Kung kaya naman ang pagbabayad sa electric bill ng Mayo ngayong buwan ng Hunyo nang lampas sa due date nito ay magkakaroon na ng surcharge. At ang mga hindi naman makakapagbayad sa nakatakdang due date ay isasailalim na sa disconnection.
Gayunpaman, base na rin sa mga nasabing direktiba ng ERC, ang March at April electric bills ay mananatiling walang interest at penalty sa kadahilanang sa mga buwang nabanggit nakasailalim sa ECQ ang buong Luzon.
Ang mga hakbang na ito ng ERC at ng mga DU, gaya ng CANORECO, ay inaasahang makatutulong sa mga miyembro-konsumidores ng mga kooperatiba ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa Finance Services Department (FSD) Office sa cellphone nos. 09081865100 at 09274974575 at landline no. 054-5713796.

