CANORECO Balita

CANORECO Franchise Renewal, Lusot na sa Pangatlong Pagbasa

House of Representatives, Quezon City – Lumusot sa ikatlong pagbasa sa Committee on Legislative Franchises ang aplikasiyon ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. para sa Franchise Renewal nito noong ika-14 ng January 2025 (Martes).

Sa pagsisimula ng sesyon ay naghain ng motion si Honorable Johnny Ty Pimentel ng 2nd District ng Surigao Del Sur at Vice Chairperson ng komite na aprubahan ang committee report at substitute bills para sa House Bill Numbers 9429 at 9684 (CAGELCO I), 10502 (PANELCO I), 10693 (ZANECO), at 9147 (CANORECO) sa ikatlong pagbasa. Sinegundahan naman ni Honorable Presley C. De Jesus na Representative ng PhilRECA Partylist ang motion na ito. Sa pagpukpok ng gavel ni Honorable Gustavo Alonzo S. Tambunting ng 2nd District ng Parañaque City at Chairperson ng Komite, naaprubahan ang mga nabanggit na House Bill sa pangatlong pagbasa.

Naghain naman ng motion si Honorable Edwin H. Olivares ng 1st District ng Parañaque City na maging co-proponent ng lahat ng mga nabanggit na House Bills ang mga present na miyembro ng komite sa sesyon. Sinegundahan naman ni Honorable Joseph Gilbert F. Violago na Representative ng 2nd District ng Nueva Ecija ang motion na ito. Inaprubahan naman ito ni Honorable Tambunting. Halos tumagal lang ng dalawang minuto ang naging kabuuan ng pag-approve sa ikatlong pagbasa ng mga House Bill. Dadalhin na ang mga ito sa Senado upang doon pag-usapan.

Kung matatandaan, personal na nagsumite si General Manager Zandro R. Gestiada ng mga kinakailangang dokumento para sa House Bill (HB) 9147 na aplikasyon para sa Franchise Renewal ng CANORECO sa House of Representatives noong February 19, 2024. Si Camarines Norte 1st District Representative, Honorable Josefina B. Tallado ang nag-author ng nasabing House Bill para sa CANORECO. Nasalang naman sa unang pagbasa ang HB 9147 noong August 28, 2024 kung saan inirekomenda ng mga kinatawan ng National Electrification Administration (NEA) at Energy Regulatory Commission (ERC) na mabigyan ng 25-taong prangkisa ang Kooperatiba sa lalawigan ng Camarines Norte.

Noong December 2, 2024 naman ay nasalang ang HB 9147 para sa ikalawang pagbasa. Binanggit ng kinatawan ng NEA na si Deputy Administrator Atty. Rosan S.J. Rosero-Lee na, “… the National Electrification Administration is strongly supporting the franchise application of Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. – it being a high-performing electric cooperative for the last six years. Garnering the highest categorization, compliant with the Key Performance Standards set by NEA…,” at sila ay pabor sa Franchise Renewal ng CANORECO.

Matapos ang matagumpay na ikatlong pagbasa, ilang hakbang na lang at maaaring maisabatas na ang HB 9147 at mabigyan ng bagong prangkisa ang CANORECO na maghatid ng kuyente sa mga Member-Consumer-Owners ng Camarines Norte sa loob ng dalawampu’t limang taon. Patuloy pa rin ang pagpapaunlad ng mga pasilidad, gamit at kawani ng Kooperatiba upang mabigyan ng de-kalidad na serbisyo ang lahat ng MCOs.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph