Matagumpay na naipasa ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) ang taunang Surveillance Audit na isinagawa ng TÜV Nord, kung saan napatunayang patuloy na sumusunod ang Kooperatiba sa mga pamantayan ng ISO 9001:2015 Quality Management System (QMS).
Isinagawa ang nasabing audit noong Hulyo 17–18, 2025 sa pamamagitan ng pinagsamang on-site at online na pamamaraan. Pinangunahan ni Ms. Ma. Janica Verlaine Despuig ang on-site audit kung saan personal niyang sinuri ang iba’t ibang opisina at pasilidad ng CANORECO. Kasama rin sa auditing team sina Mr. John Joseph Denoga at Mr. John Paul Dela Cruz, na kapwa nagsagawa ng remote audit.
Sa dalawang araw ng masusing pagsusuri, in-evaluate ng mga auditor ang implementasyon ng mga umiiral na proseso ng Kooperatiba, at kung paano ito aktwal na isinasabuhay ng mga kawani mula sa bawat Department, mga Area Office, at ng mismong pamunuan.
Sa pagtatapos ng audit noong Hulyo 18, 2025, nagsagawa si Ms. Despuig ng Exit Conference upang ibahagi ang naging resulta ng kanilang pagsusuri. Tinalakay niya ang ilang observations o mga aspekto sa ilang departamento na maaaring mapahusay pa, bilang bahagi ng patuloy na pag-unlad ng organisasyon. Kasama rin sa kanyang ulat ang mga commendable practices ng CANORECO, kabilang ang mga parangal na natanggap mula sa National Electrification Administration (NEA) at Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA) sa ginanap na 55th NEA-EC Convergence noong nakaraang taon.
Higit sa lahat, ipinagbigay-alam sa Exit Conference na walang non-conformities o paglabag sa mga itinakdang pamantayan ng ISO 9001:2015, dahilan upang mapanatili ng CANORECO ang pagiging ISO 9001:2015 Certified organization.
Ang matagumpay na resulta ng audit ay patunay sa matibay na dedikasyon ng CANORECO sa pagpapanatili ng mataas na kalidad ng serbisyo at epektibong pamamahala, tungo sa patuloy na pagbibigay ng maayos at maaasahang serbisyo para sa mga Member-Consumer-Owners (MCOs).
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph


