Bilang bahagi ng patuloy na pagtulong ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) sa kanilang mga miyembro at sa komunidad, inilunsad ang isang livelihood program na nakatuon sa sector ng pangingisda sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte. Ginanap ito noong ika-30 ng Oktubre sa Mercedes Central Elementary School, sa pangunguna ni Director Arwin A. Segundo ng CANORECO District X na sumasaklaw sa nasabing bayan. N0amahagi ang kooperatiba ng nasa 100 metro ng lambat, at iba pang kagamitan sa pangingisda sa nasa 140 na mangingisda na mula sa mga barangay ng Apuao, Caringo, Cayucyucan, Gaboc, Quinapaguian, Manguisoc, at III.
Sa isang maikling seremonya, ibinahagi ni Director Segundo ang layunin ng programa na makatulong sa mga mangingisda sa bayan ng Mercedes na maparami ang kanilang mahuhuli na isda at mapataas ang kanilang kita para sa kanilang pamilya. Ayon sa director, maaari ring magamit ang dagdag na kita mula sa mga ipinamahaging lambat upang makapundar ng mas magagandang gamit sa pangingisda.
Dumalo rin sa nasabing okasyon ang MCO Municipal Vice Chairman ng nasabing bayan na si Kgd. Mary Rose Santiago bilang kahalili ni Kgd. Rex Gutierrez, ang MCO Municipal Chairman. Ipinaabot ni Kgd. Santiago sa mga mangingisda na nawa ay makatulong ng malaki ang mga kagamitang ito sa kanilang kabuhayan. Nagpaabot na rin siya ng pasasalamat sa CANORECO at kay Director Segundo dahil sa inisyatibo na ito para sa mga mangingisda. Nagpaabot rin ng mensahe at pasasalamat ang bawat barangay na naging bahagi ng programang ito sa pamamagitan ng kani-kaniyang Representative.
Patunay ang aktibidad na ito sa adhikain ng CANORECO na magbigay-serbisyo, hindi lamang sa aspeto ng paghahatid ng kuryente sa mga tahanan at negosyo, kundi maging sa buhay mismo ng mga Member-Consumer-Owners, lalo na sa mga sektor na umaasa sa likas na yaman ng lalawigan.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa CANORECO Official Facebook Page na Canoreco at sa CANORECO Official Website na www.canoreco.com.ph


