CANORECO Balita

CANORECO, Nakiisa sa Run for a Cause ng NEA

Nakiisa ang Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) sa isinagawang aktibidad ng National Electrification Administration (NEA) na pinamagatang Let’s Bolt In: NEA-EC Run for a Cause noong Sabado, Agosto 2, 2025, ganap na 4:00 ng madaling araw sa Bagasbas Beach, Barangay Bagasbas, Daet, Camarines Norte.

Ang aktibidad na ito ay isinagawa kasabay ng partisipasyon ng iba’t ibang Electric Cooperatives mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Pinangunahan ng NEA ang programa na nagsimula bandang 4:30 ng madaling araw sa Quezon Memorial Circle, Quezon City, at isinagawa sa pamamagitan ng live simulcast sa lahat ng kalahok na Electric Cooperatives. Bandang 5:00 AM, nagbigay ng pambungad na mensahe si NEA Administrator Antonio Mariano C. Almeda sa lahat ng kalahok mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa lokal na aktibidad sa Camarines Norte, pagkatapos ng mensahe ni NEA Administrator Almeda ay nagkaroon ng isang warm-up session bandang 5:15 AM. Sinundan ito ng pagsisimula ng pagtakbo: 5:30 AM para sa 5KM Run, 5:45 AM para sa 3KM Run, at 6:00 AM para sa 1KM Run. Nagtapos ang lahat ng kategorya sa San Jose Beach, Barangay San Jose, sa bayan ng Talisay.

Lumahok ang mga empleyado ng CANORECO sa nasabing Run for a Cause. Ang mga nanguna sa pagtakbo sa 5KM, 3KM, at 1KM categories ay tumanggap ng medalya, certificate, at pa-premyo bilang pagkilala sa kanilang tagumpay. Samantala, lahat ng nakatapos ng pagtakbo mula sa iba’t ibang category ay ginawaran din ng medalya at certificate bilang pagkilala sa kanilang partisipasyon. Bilang bahagi ng registration, ang bawat kalahok ay tumanggap rin ng singlet at race bib bago ang buong aktibidad.

Layunin ng aktibidad na makalikom ng pondo para suportahan ang NEA-SAMAKAREN para sa kanilang mga outreach program; pagsulong ng pisikal at mental na kagalingan; pagyamanin ang pagkakaibigan sa loob ng NEA, sa mga EC, at sa komunidad; at palakasin ang pagtutulungan at pagkakaisa ng NEA, EC, at stakeholders sa pagsusulong ng Rural Electrification Program.

Ang NEA-SAMAKAREN ay union ng mga empleyado ng NEA na ang layunin ay magsagawa ng mga outreach program kagaya ng pamimigay ng mga school supplies sa mga kabataan. Gayundin ang pamimigay ng mga TV at Laptop sa mga paaralan at iba pa.